EDITORYAL - Pati maliit na negosyo pinasok na ng Chinese

NAKAAALARMA na ang pagdami ng mga Chinese na nagtatrabaho sa bansa. Karamihan sa kanila ay mga nagtatrabaho sa hotel at Chinese restaurant. Mayroon din sa mga construction company na gumagawa ng mga tulay. Kamakailan, napabalita na ang ginagawang dam project sa Hilagang Luzon ay mga Chinese ang trabahador. Pinabulaanan naman ito ng Department of Labor and Employment (DOLE). Wala raw katotohanan ang balita. Hindi raw sila papayag na maagawan ng trabaho ang mga Pinoy.

Pero may nakadidismayang report na pati ang mga sari-sari store sa Boracay ay pinasok na rin umano ng mga Chinese. Hindi lamang sari-sari store kundi pati mga restaurant ay pagmamay-ari na rin ng mga Chinese. Ayon sa report, makikita sa gilid ng mga kalye sa Boracay ang mga sari-sari store at maging mga restaurant. Noong nakaraang buwan, naireport na patuloy ang pagdami ng mga tindahan ng Chinese sa sikat na island resort. Hindi raw maikakaila na sa Chinese ang mga tindahan at restaurant sapagkat may mga Chinese character sa pintuan ng mga ito. Halatang-halata na mga Chinese ang nagpapatakbo at maging ang mga tauhan umano ay mga Chinese din. At merong mga restaurant umano na pawang Chinese lang ang dapat pumasok. Ganito na ba katigas ang mga Chinese?

Unang umalma si Sen. Panfilo Lacson sa nangyayaring ito. Hindi raw tama ang ganito. Bawal ang mga ito at dapat ipasara. Okey lang daw kung malakihan ang mga negosyong ginagawa sa bansa at kikita sa pamamagitan ng buwis pero maliit lang daw ito kaya dapat ipatigil ito.

Ayon pa kay Lacson, kung sa China raw ito gagawin ng mga Pinoy, tiyak na kinabukasan ay giba ang tindahan at ipade-deport ang Pinoy.

Tutulan ang ginagawa ng mga Chinese sa pagtatayo ng mga maliliit na tindahan at restaurant sa ilang resort. Sobra na ang ginagawang ito na parang nagkaroon na sila ng lisensiya porke at itinuturing silang kaibigan ni President Duterte. Nararapat dumaan sa legal ang lahat.

Show comments