EDITORYAL - Naguhong supermarket, imbestigahang mabuti

APAT na taon pa lamang umano ang naguhong Chuzon Supermarket sa Porac, Pampanga pero bumigay agad sa magnitude 6.1 na lindol na tumama noong Lunes ng hapon. Ayon sa Phivolcs, ang gusali ay maaaring magiba kung tumama ang magnitude 7. At sa kaso ng gumuhong supermarket na apat na taon pa lamang, napakaimposible na agad-agad ay naguho. Apat na palapag ang gusali na kinaroroonan ng Chuzon pero makaraang tamaan ng lindol, dumapa ito at naging isang palapag na lang. Lima ang namatay sa gumuhong supermarket at anim naman ang nailigtas. Ayon sa awtoridad, wala na silang nakikitang proof of life sa guho.

Nang dumalaw si President Duterte sa Porac isang araw makaraan ang lindol, agad niyang pinatigil ang operasyon ng iba pang branches ng Chuzon. Halos iisa ang desenyo ng mga gusali, ayon sa nag­la­basang mga pictures. Umano’y may anim pang branches sa ibang bayan sa Pampanga at Bataan ang supermarket. Ipinatawag naman ng Philippine National Police (PNP) ang may-ari ng Chuzon na agad namang nagpaunlak.

Ikinuwento ng isa sa mga nakaligtas na bagger ng supermarket ang kahindik-hindik na karanasan habang nasa ilalim ng guho. Naipit siya sa mga bumagsak na pader. Para makahinga, gumawa siya ng butas para may daanan ng hangin. Halos 16 na oras siyang nasa ilalim ng guho at naka-survive sa pag-inom ng sariling pawis na piniga mula sa kanyang suot na t-shirt. Kahit sumisigaw siya ay walang makarinig sa kanya. Hanggang sa makakita siya ng kapirasong yero at iyon ang pinukpok niya para marinig ng rescuers. At nailigtas siya sa wakas. Ayon sa bagger, himala na nabuhay siya. Nagpapasalamat siya sa Diyos sa ikalawang buhay na ipinagkaloob sa kanya.

Hindi naman dapat dito nagtatapos ang lahat. Nararapat magsagawa ng imbestigasyon kung bakit tila ampaw ang gusali ng supermarket na sa kaunting galaw ng lupa ay dumapa. Nagkaroon ba ng korapsiyon dito? May building permit ba ito? O kung may building permit hindi kaya nagkaroon ng lagayan para aprubahan agad kahit hindi naman dumaan sa tamang specifications ang mga ginamit na materyales. Dapat malaman ang katotohanan.

Related video:

Show comments