Utol (198)

“IPINANGANGAKO ko po sa inyo na magiging mabuti at tapat akong asawa para kay Gina,” sabi ni Gerald sa mabait na mga magulang ni Gina. “Makakaasa po kayo na siya lamang ang babaing mamahalin ko. Wala nang iba.’’

Hindi makapagsalita ang mga magulang ni Gina. Nakangiti lamang ang mga ito pero halatang masayang-masaya sapagkat napakabuti ng lalaking mapapa­ngasawa ng kanilang bunso. Bihira na sa panahong ito ang lalaking harapan kung mangako sa magulang ng babaing pakakasalan. At walang kagatul-gatol kung magsalita na halatang totoong-totoo ang sinasabi. Malinis ang kalooban at walang tinatago.

“Nasasabik na kami nitong maybahay ko na mag-isang dibdib kayo Gerald. Kailan na ang inyong balak? Sabihin n’yo lamang at naka­handa kaming gumastos kahit magkano. Hindi naman sa pagmamayabang ay mayroon din kaming sinasabi sa buhay. Huwag ka namang maiinsulto, Gerald, ito ay suhestiyon ko lamang. Gusto ko rin na maging masaya at medyo marangya ang kasal ng aming bunso.’’

Noon nagsalita si Gina.

“Papa, kayang-kaya po ni Gerald na makasal kami nang marangyang-marangya dahil bilyonaryo siya. Sobrang dami po ng ari-arian niya.’’

Kinublit ni Gerald si Gina at binulungan, “Huwag mo nang sabihin, Gina at nakakahiya.”

Pero nagpatuloy si Gina, “Nakita ko ang malawak nilang taniman ng sugarcane at ang gawaan ng mga banana chips. Mayroon din silang taniman ng niyog, saging, mangga at marami pa. Napa­kayaman nila Papa.’’

Humalakhak ang papa ni Gina.

“Aba e di mabuti pala. Lalo ka palang yayaman, Gina. Tamang-tama pala kayong dalawa. Magpakasal na nga kayo!”

Nagtawanan sila.

Kinagabihan, nagkukuwentuhan sa beranda ng bahay sina Gerald at Gina.

“Nakakatuwa ang pa­rents mo, Gina. Napakabait nila.’’

“Salamat Gerald.’’

“Pag-usapan na natin ang kasal, Gina.”

“Sige.”

(Itutuloy)

Show comments