FIRST time nina Gerald, Xander, Anna at Gemo na makasakay sa floating cottages. At first time ring makakain doon. Masarap ang pakiramdam na habang kumakain ay dinuduyan-duyan.
“Ang galing naman ng naisip n’yong negosyo, Gina. Palagay ko marami ang makakagusto sa ganitong gimik.’’
“Marami nga, Gerald. Kaya nga ang aming paalala sa mga nais pumunta rito ay magpa-schedule. Kasi nagkakaubusan talaga ng cottage lalo pag summer.’’
“Magaling na ideya. Papa mo ba ang nagsimula nito, Gina.’’
“Grandfather ko pero inimproved ni Papa. Dati kasi walang bubong ito at tipong balsa lang. Kaya lang kawawa ang mga turista kapag summer at kapag tag-ulan. Nilagyan ni Papa ng bubong at dun na nagsimula ang floating cottages.’’
“Ang galing!’’
“Pero meron pa kaming ibang gimik para lalong dayuhin ang lake namin.’’
“Ano naman yun?’’
“Kapag panahon ng lansones, sinigwelas, bayabas, papaya at iba pang prutas, hinahayaan naming mamitas ang mga turista ng gusto nila at kalahati lang ang babayaran nila. Number 1 dito ang lansones.’’
“Okey yan ah!’’
“Mamaya ipapasyal ko kayo sa lansonesan at sinigwelasan. Magsasawa kayo sa pamimitas.’’
“Sige ipasyal mo kami Gina.’’
“Okey pagkatapos nating kumain, prutas naman. Pero kumain pa kayo. Marami pang pagkain. Huwag kayong mahihiya.’’
“Naku ubos ‘yan hanggang mamaya! Don’t worry Gina!’’ sabi ni Gerald.
Pagkatapos nang masaganang tanghalian, ang pagpitas naman sa mga prutas ang inatupag nila.
Nagsawa sila sa kapipitas.
Habang namimitas sina Xander, namasyal naman sina Gerald at Gina. May ikinuwento sa kanya si Gina.
“Gerald, nabalitaan kong nagpakamatay daw si Teth.’’
“Sumalangit nawa ang kanyang kaluluwa!’’
(Itutuloy)