EDITORYAL - Hindi sana pinatigil ang ‘doble plaka’

MARAMI ang natuwa noong nakaraang Marso nang lagdaan ni President Duterte ang Republic Act 11235 (Motorcycle Prevention Act). Sa ilalim ng batas, magkakaroon nang mas malaki at dobleng plaka ang motorsiklo – isa para sa unahan at isa sa hulihan. Layunin sa pagkakaroon ng doble at mas malaking plaka ay para madaling makita sakali’t nakasagasa o ginamit sa krimen ang motorsiklo. Sa kasalukuyan, napakaliit ng plaka ng mga motorsiklo na hindi makita lalo sa gabi. Magiging color-coded na rin ang registration ng mga motorsiklo para madaling malaman kung saang lalawigan o rehiyon ito nakarehistro.

Nanawagan pa ang Malacañang sa mga riders na hayaang matuloy ang batas. Huwag itong tutulan sapagkat para sa ikabubuti ng mamamayan. Desidido ang pamahalaan na ipatupad ang Motorcycle Prevention Act.

Mahigpit ang pagtutol ng riders sapagkat delikado raw ang paglalagay ng dalawang plaka sapagkat maaa­ring maputol ito sa lakas ng hangin. Kapag naputol, maaring tumama ito sa ibang mga kasabay na motorista sa kalsada. Nag-rally pa ang may 50,000 motorcycle ri­ders at inihayag ang pagtutol sa paglalagay ng dalawang malalaking plaka sa kanilang motorsiklo. Mahigpit umano nilang tinututulan ang RA 11235. Dapat daw dumaan sa matinding pag-aaral ang batas bago ipatupad. Masyadong delikado ang malaking plaka. At paano raw ilalagay ito gayung iba’t iba ang disenyo ng motorsiklo.

Noong Linggo, ang mga riders din ang namayani. Sinuspende ng  Presidente ang pagpapatupad ng “doble plaka”. Inatasan niya ang Land Transportation Office (LTO) na huwag ipatupad ang RA 11235. Inihayag niya ang utos nang dumalo sa 25th National Federation of the Motorcycle Clubs of the Philippines Annual National Convention sa Iloilo City. Ayon sa Presidente, hindi raw maganda ang doble plaka. Delikado raw ito sa motorista. Kakausapin daw niya ang awtor ng batas.

Sayang ang batas. Kung natuloy, hindi na makalulu­sot ang mga gagawa ng masama gaya nang pagsa­lakay ng riding-in-tandem na nanghoholdap o pumapatay. Kung may gagawing masama ang riding-in-tandem, makikita na agad ang kanilang plaka. Pati ang mga nakamotorsiklong nang-aagaw ng bag at cell phone ay tiyak na matitiklo. Sayang at mismong Presidente ang pumigil. Matutuwa ang mga kriminal na gumagamit ng motorsiklo.

Show comments