Pananaw natin sa buwan, magbabago?
ISA sa maugong sa larangan ng siyensiya sa kasalukuyan ang pagpaplano at paghahanda ng mga dalubhasa, scientists at eksperto sa astronomiya at ng ibang mauunlad na bansa sa pagbabalik ng tao sa buwan. Uunahin muna ang pagtatayo ng tila isang space laboratory (tinatawag na Gateway) na tulad ng International Space Agency na palulutangin sa may orbit ng buwan kasunod ang pagtatayo ng base at ng kolonya ng tao sa kalupaan nito. Nangunguna rito ang National Aeronautics and Space Administration ng US pero merong kolaborasyon dito ang mga space agency ng ibang mga bansa sa mundo at ng pampubliko at pribadong sektor. Matatandaang noon pang 1972 huling nagtungo ang mga astronaut sa buwan at nagtapos ang space program dito ng NASA.
Ang Mars sana ang naunang inasahang mapupuntahan at mapagtatayuan ng kampo o kolonya ng tao pagkaraang magpadala roon ng mga robotic spacecraft na naunang nagsagawa ng mga pagsusuri sa pulang planeta pero, dahil nga marahil sa rami ng malalaki at mabibigat pang mga problemang kakaharapin sa napakahabang biyahe papunta roon at sa mismong pagdating at pagtigil dito ng mga unang taong makakarating dito, maaaaring mas pinili munang unahin ng mga kinauukulan ang pagpunta sa buwan lalo pa at may nauna nang karanasan dito ang tao.
Target sana sa 2024 na maisakatuparan ang naturang planong pagpunta sa buwan. Kung matutuloy ito, maraming puwedeng mangyaring maganda o hindi maganda. Maaaring maging malaki ang magiging pakinabang dito ng sangkatauhan sa iba’t ibang kaparaanan at layunin. May mga bumabatikos sa mga ganitong proyekto dahil sa bilyun-bilyong salaping gugulin na dapat umano sanang ilaan sa mga higit na pangangailangan sa mundo pero tila wala nang makakapigil sa pagsasaliksik ng tao sa kalawakan kasabay ng mga pag-unlad sa teknolohiya at siyensiya.
At, malamang din, kung tuluyang makakapagtayo ng kolonya ng mga tao sa buwan, magkakaroon ng pagbabago sa mga pananaw sa satellite na ito ng daigdig.
Maraming alamat at kathang-isip na kuwento sa iba’t ibang panig ng mundo na nauugnay sa buwan. Hindi lang ito basta isang bilog na puting bagay na nakabitin sa kalangitan na tila nagsisilbing tanglaw ng mga tao sa kadiliman ng gabi. Parang hindi ito isang malaking bato lamang na nagpapakita sa tao pagsapit ng takipsilim. Karaniwang kasama ang buwan sa mga kuwento ng pag-iibigan, pantasya, katatakutan at iba pa. Magalaw ang imahinasyon ng tao sa buwan. Kalimitang may kinalaman ang buwan sa mga galaw at aktibidad ng ilang mga relihiyon na hindi pa malaman ang magiging epekto sa mga ito kung dumating ang panahon na matatanaw natin ang buwan sa kamalayang meron nang mga taong naninirahan dito.
(Anumang reaksyon sa kolum na ito ay i-email sa [email protected])
- Latest