EDITORYAL - Mga pulis na nag-eeskort sa kandidato, sibakin!

BAWAL sa mga pulis at sundalo na mag-eskort sa mga kandidato sa panahon ng election. Mahigpit itong pinagbabawal. Nakasaad sa order ng PNP na ang mga miyembro ng pulisya ay dapat non-partisan o walang pinapanigang partido o pulitiko. Ganundin naman ang mga sundalo na mahigpit na inuutusang lumayo sa mga pulitiko sa panahon ng eleksiyon. Ang sinumang pulis o sundalo na mahuli na nag-eeskort sa mga pulitiko sa panahon ng kampanya ay mahaharap sa administrative charges at maaari silang masibak sa puwesto. Mahigpit na pinaaalalahanan  ang mga pulis at sundalo na huwag mag-eskort sa mga pulitiko upang hindi matanggal sa serbisyo.

Kadalasang nagsa-sideline ang mga pulis at sundalo kaya nag-eeskort. Malaki rin ang kanilang napepera sa gawaing ito kaya nawiwili at nalilimutan na ang kautusan na huwag mag-eeskort. Maski si President Duterte ay nagpaalala sa mga pulis na maging non-partisan. Walang kikilingang kandidato sa panahon ng eleksiyon.

Pero dahil malakas ang pang-akit ng pera, marami pa ring pulis at sundalo ang nakikipagsapalaran sa pag-eskort. Kakatwa naman na may mga pulis pang gumagamit ng wangwang at blinkers sa pag-eeskort sa mga pulitiko. Bigay todo ang kanilang paghawi sa mga motorista para lamang makapagkampanya nang walang sagabal ang mga inieskortang pulitiko.
Sa Marilao, Bulacan, dalawang pulis ang sinibak makaraang mahuli ng Counter Intelligence Task Force (CITF) na inieskortan ang mayoralty candidate sa nasabing bayan noong Marso 29. Hindi na nakapalag ang dalawang pulis na may ranggong corporal at patrolman nang sitahin ng mga operatiba ng CITF. Sinibak din sa puwesto ang hepe ng dalawang pulis.

Nararapat lamang alisin sa puwesto ang mga pulis at sundalo na nag-eeskort. Malinaw na wala silang  dapat kinakampihan at pinapanigan pero dahil gustong magkapera, pinapatulan na ang pag-eeskort. Ang masaklap, mawawalan naman sila ng trabaho. Dapat nalalaman ng mga pulis ang kautusan at huwag itong labagin. O nalalaman naman nila na bawal ito pero hindi sila makatanggi sa kalansing ng pera.

 

Show comments