HINDI lang mga pasyente ang mga nagdadalantao sa labor ward ng isang ospital sa US dahil 9 na nars na nagtatrabaho sa kanilang labor ward ang sabay-sabay na nabuntis.
Ayon sa Maine Medical Center, sunud-sunod ang napipintong panganganak ng kanilang mga nurse sa nasabing ward, na magsisimula sa darating na Abril at matatapos sa Hulyo.
Isa-isa pang humanay ang 9 na nurse at nagpakuha ng litrato, na agad kumalat sa social media nang ipost ito sa mismong Facebook page ng ospital.
Tinawag ng ospital na isang “baby boom” ang sabay-sabay na pagdadalantao ng mga nurse sa kanilang labor ward.
Ipinagwalambahala naman ng ospital ang posibleng pagkalagas ng bilang ng kanilang mga nurse kapag sabay-sabay na ang mga itong nanganak.
“Don’t worry, we have a plan,” ang tugon ng ospital nang tanungin kung may mag-aasikaso pa ba sa mga pasyente sa mga buwang nakatakdang manganak ang siyam nilang mga nurse.