EDITORYAL - Ayaw sundin ang Motorcycle Prevention Act

NAKAKATAWA sa bansang ito, kahit na nalagdaan na ang isang batas, marami pa rin ang umaapela na huwag itong ipatupad. May mga nagpapasaklolo sa Supreme Court para pigilan ang implementasyon. Kaya ang nangyayari, nawawalan ng saysay ang batas na makakatulong sana sa marami. Pinaghirapan ng mga mambabatas para ito maipasa pero hindi sinusunod at gusto pang ipawalambisa.

Ganito ang nangyayari ngayon sa Republic Act 11235 o Motorcycle Prevention Act na kalalagda lamang ni President Duterte noong nakaraang linggo. At walang ibang kumalaban dito kundi mga motorcycle riders mismo. Ang dahilan, kaya gusto nilang ipawalambisa ang batas ay dahil ayaw nila nang malaki at dobleng plaka.

Sa ilalim ng batas, malaki na ang plaka ng motorsiklo at dapat ay dalawa ito – isa para sa unahan at isa sa hulihan. Sabi  ng mga riders, delikado ang paglalagay ng dalawang plaka sapagkat maaaring maputol ito sa lakas ng hangin. Kapag naputol, maa­ring tumama ito sa ibang motorista.

Noong Linggo, 50,000 motorcycle riders ang nagtipun-tipon sa People Power monument sa EDSA at inihayag ang pagtutol sa paglalagay ng dalawang malalaking plaka sa kanilang motorsiklo. Mahigpit umano nilang tinututulan ang RA 11235. Dapat daw dumaan sa matinding pag-aaral ang batas bago ­ipatupad. Masyadong delikado ang malaking plaka. At paano raw ilalagay ito gayung iba’t iba ang disenyo ng motorsiklo.

Bukod sa malaking plaka, magiging color-coded na rin ang registration ng mga motorsiklo para madaling malaman kung saang lalawigan o rehiyon ito ­nakarehistro kung sakali mang masangkot sa aksidente o krimen. Nakasaad sa RA 11235 na ang sinumang lalabag o hindi susunod sa pagkakaroon nang mala­king plaka ay mabibilanggo ng 6 hanggang 12 taon at pagmumultahin ng P50,000 hanggang P100,000.

Sa pagkakaroon nang malaking plaka, hindi na makalulusot ang mga gagawa nang masama gaya nang pagsalakay ng riding-in-tandem na nanghoholdap o pumapatay. Pati ang mga nakamotorsiklong nang-aagaw ng bag at cell phone ay tiyak na mahuhuli dahil makikita ang plaka.

Huwag tutulan ang implementasyon ng batas na ito. Mas makabubuting sundin ang batas sapagkat para rin ito sa kapakanan ng nakararami. Sundin ang Motorcycle Prevention Act.

 

Show comments