MAGANDANG balita para sa mga numinipis o nalalagas ang buhok, nakatuklas ang mga scientist sa United Kingdom ng bagong sangkap sa paggawa ng shampoo at sinasabing makakatulong ito sa pagpapakapal ng buhok at pagpapanatili ng kalusugan nito.
Matapos gumastos ng £1 milyon para sa kanilang pagsasaliksik, nadiskubre ng mga scientist sa Glynd?r University na maganda para sa pag-aalaga ng buhok ang balat ng mga hipon dahil may taglay itong polymer na bukod sa nakakapagpakapal ng buhok ay mainam din na lunas sa split ends.
Ang polymer na makukuha sa balat ng hipon ay natural kaya naman mas mabuti ito para sa kalikasan kumpara sa synthetic polymer na ginagawa sa mga laboratoryo at pabrika.
Karaniwan din na tinatapon lamang ang mga balat ng hipon kaya maka-kabawas pa ang paggamit sa mga ito bilang sangkap ng shampoo sa kabuuang dami ng basura na itinatambak.
Ngayon ay pinag-aaralan pa ng mga scientist kung paano magiging mas epektibo ang polymer na nahahango mula sa balat ng hipon para sa pag-aalaga ng buhok.
Pagkatapos ng mga pag-aaral ukol sa mga epekto ng balat ng hipon sa buhok ng tao, may plano nang i-mass produce ang shampoo sa lalong madaling panahon upang maibenta ito sa publiko.