NAGBABANTA ng rebelyon si Moro National Liberation Front (MNLF) chairman Nur Mi-suari. Sabi niya, kapag nabigo raw ang gobyerno sa isinusulong na federalism, muli siyang mag-aalsa. Panibagong rebelyon daw ang kanyang ilulunsad. Ang pagbabanta ay sinabi umano ni Misuari kay President Duterte nang dumalaw ito sa Malacañang noong nakaraang linggo.
Ang sagot ni President Duterte sa bantang giyera ni Misuari, lalabanan ito. Ipagtatanggol ng gobyerno ang bansa sa sinumang magtangka ng giyera. Kung giyera ang gusto ni Misuari, nakahanda raw si Duterte rito. Hindi raw niya hahayaan ang mga manggugulo.
Tatak na ni Misuari ang manggulo kaya hindi na nakapagtataka kung ganito ang kanyang banta kapag hindi natuloy ang federalism. Wala naman siyang nalalaman kundi daanin sa dahas ang lahat.
Nagpapahiwatig na ng gulo si Misuari. Para bang nananakot siya na magkakagulo kapag hindi natuloy ang federalism. Kaya para hindi siya manggulo, dapat matuloy ang federalism. Ano ito, pananakot? Baka sa inaasal na ito ni Misuari ay talagang hindi mangyari ang inaasam na federalism. Baka walang mangyari sa mga balak ni President Duterte sapagkat sa umpisa pa lamang ay nagpapakita na ng karahasan ang MNLF chairman. Hindi sana ganito ang kanyang mga ipahayag sapagkat nanghihikayat ito na magkagulo at magkawatak-watak.
Nagsisikap ang Duterte administration na maisaayos ang bansa at maiwasan ang pagka-kagulo kaya dapat makiisa si Misuari sa pagtataguyod nito. Kung talagang ang hangad niya ay magkaroon ng kapayapaan sa Mindano na ilang dekada nang naglalabanan ang mga rebelde at sundalo, dapat magpakita siya ng halimbawa. Sana, makipagtulungan siya para maabot ang minimit-hing kapayapaan at nang umunlad ang Mindanao. Mithiin ni President Duterte na maiangat ang kalagayan ng mga taga-Mindanao.