PITONG beses nang nagtataas ng presyo ang gasolina, diesel at kerosene mula pa Enero 2019. Umabot na sa P5.99 ang itinaas ng gasolina; P6.59 sa diesel at P4.17 sa kerosene. Kamakalawa, nagtaas muli ng presyo ng petroleum products at mas malaki – P1.50 ang gasolina at P1.00 sa diesel. Ayon sa Department of Energy, may nakaamba na namang pagtaas sa susunod na linggo.
Ang pagtaas ng presyo ng petroleum products ay isinisisi sa ipinapataw na excise tax. Nagkabisa ang excise tax noong Enero 1, 2019. Unang ipinatupad ang excise tax sa petroleum products noong Enero 2018 kung saan P7.00 bawat litro ang pinataw sa gasoline; P2.50 sa diesel at P3.00 sa kerosene. Ngayong 2019, mas mataas ang excise tax sa bawat litro ng gasoline na pumapalo sa P9.00; P4.50 sa diesel at P5.00 sa kerosene.
Tiyak na sa pagtaas ng petroleum products, tiyak na tataas din ang mga pangunahing bilihin. Susunod sa presyo ng gas ang prime commodities gaya ng sardinas, mantika, asukal, karne at isda. Gumagamit ng gasolina sa pagdedeliber kaya apektado ang mga pangunahing pangangailangan.
Tiyak mangangalampag na naman ang transport group sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para maibalik sa P10 ang pasahe sa dyipni. Noon pa hinihiling ng transport groups na ipako na sa P10 ang pamasahe sapagkat baba-taas ang gasolina pero hindi sila pinagbigyan.
Noong nakaraang taon, malakas ang panawagan na suspendihin ang excise tax sa petroleum pro-ducts. Noong Oktubre 2018, pinahayag ni President Duterte na payag siyang suspendihin ang excise tax pero sinansala ito ng kanyang economic advisers. Hindi raw maaaring suspendihin sapagkat dito kinukuha ang pondo sa “Build, Build, Build” program.
Ngayong linggu-linggo na ang pagtaas ng petroleum products, tiyak na ang tatamaan ay ang mga kakarampot ang kita. Hindi ito mararamdaman ng mga mayayamang taga-payo ng Presidente dahil hindi naman sila sumasakay sa dyipni, bumibili ng 1 kilong bigas at 2 sardinas. Hindi na nila dapat sinansala ang pagsuspende sa excise tax. Ngayo’y pasan na naman ng mahihirap ang pinataw na tax sa petroleum products.