TAYONG mga Pilipino ay sadyang masayahing lahi. Kapag tayo’y nahaharap sa mabibigat na problema, pangpersonal man o pambansa, madalas tinatawanan lamang natin ang mga ito. Laughing is our national pastime. Kaya kapag may pambansang krisis, doon lumalabas ang sari-saring mga katatawanan.
Sa kasagsagan ng water crisis sa ilang bahagi ng Metro Manila, maraming nakakatawang posts ang lumabas sa social media. Isang halimbawa, “Kalimutan muna ang pag-ibig, ang mas mahalaga ngayon ay ang pag-igib.” Napagkakamalan ng ibang lahi na hindi tayo masyadong seryoso sa buhay dahil ang lahat ay dinadaan natin sa biro at katatawanan.
Sa kabilang banda, Ito ang pinakamalakas nating coping mechanism bilang isang lahi. Kung hindi tayo likas na masayahin, sa rami ng mga krisis na ating pinagdaanan at pinagdaraanan bilang isang bansa, baka lahat tayo’y nasira na ang ulo. Wika nga ng ating tourism slogan, “It’s more fun in the Philippines.”
Kamakailan, inilabas ng Social Weather Station ang resulta ng isang survey na nagpapatunay na masaya nga ang mga Pilipino. Ayon sa survey, walo sa 10 Pilipino (87 porsiyento) ang naniniwalang masaya ang kanilang buhay. Sa porsiyentong ito, 39 porsiyento ang nagsabing sila’y “masayang-masaya” (very happy), samantalang 48 porsiyento ang nagsabing sila’y “masaya naman” (fairly happy). Ang nalalabing 13 porsiyento ang nagsabing sila’y malungkot.
Mataas ang 87 porsiyento, bagama’t ito’y mababa ng pitong puntos sa naitalang pinakamataas na score noong 2017, kung saan 94 porsiyento ng mga Pilipino ang nagsabing sila’y masaya sa kanilang buhay. Gayunman, sa kabila ng mataas na score na ito, wala ang Pilipinas sa listahan ng World Happiness Report ng United Nations, kung saan ang mga nangunguna sa pinakamasayang bansa sa mundo ay ang Finland, Norway, Denmark, Iceland at Switzerland. Ang ginamit na sukatan ay ang tinatawag na “Cantril Ladder,” kung saan iniiskoran ang mga sumusunod: kinikita, haba ng buhay, suporta ng gobyerno, kalayaan, pagtitiwala sa gobyerno (kawalan ng katiwalian), at pagiging mapagbigay o generosity.
Maliwanag na hindi ang “Cantril Ladder” ang pinaghuhugutan natin ng ating kasayahan. Kung gayon ay ano? Maraming psychologists ang naniniwala na dalawa ang susi sa pagiging masayahin ng isang tao: ang matibay na relasyon sa kapwa at ang pagkaalam sa sarili o tinatawag na “self-knowledge.”
Applicable sa atin ‘yong una, matibay na relasyon sa kapwa. Tayong mga Pilipino ay lubos na nagpapahalaga sa relasyon, lalo na sa relasyon sa pamilya, mga kaibigan, at mga kasama sa trabaho. Kapag maganda ang relasyon, masaya. Marami ang nananatili sa kanilang trabaho sa mahabang panahon, hindi dahil sa suweldo, kundi dahil sa magandang relasyon sa mga kasama. Higit tayong napagbibigkis ng realsyon kaysa pera.
Ang “self-knowledge” ay nakasalalay sa sinabi ni Socrates na “Know thyself.” Masaya raw ang mga taong kilala ang kanilang sarili, nalalaman ang kanilang kakayahan at limitasyon. Pero sa ating mga Pilipino, mas nauuna ang “knowledge of God,” kaysa “self-knowledge” sa pagkakaroon ng masayang buhay. Tayo’y isang lahing mapanalanginin at mapagtiwala sa Diyos. Hinaharap natin ang mga problema sa pamamagitan ng pagtawa at pananalangin.
Tama! Pero “may tama” ka kung ang pagtawa’t pananalangin ay hindi mo susundan ng pagkilos. Ang pagtawa’t pananalangin na walang pagkilos ay magpapako sa iyo sa kasalukuyan. Sa kabilang dako, ang pagtawa’t pananalangin na may pagkilos ay maghahatid sa iyo sa isang masaya at kasiya-siyang bukas na pangarap ng Diyos sa bawat tao.