EDITORYAL - Mag-ingat sa sunog

SUNUD-SUNOD ang sunog. Kahapon, isang sunog ang naganap sa Valenzuela City na ikinaabo ng 20 bahay. Wala namang namatay o nasugatan sa sunog na nag-umpisa dakong alas-diyes ng umaga at naapula dakong alas dos ng hapon. Pawang mga bahay na gawa sa light materials ang natupok.

Noong Martes, isang sunog ang naganap sa Bgy. Damayang Lagi sa Quezon City na tumupok sa may 700 bahay. Wala namang namatay o nasugatan. Hanggang sa kasalukuyan sa isang covered court pansamantalang naninirahan ang mga nasunugan. Karamihan ay walang nailigtas na gamit dahil nang mangyari ang sunog, ay nasa trabaho ang mga residente at ang mga anak ay nasa school. Nahirapan naman ang mga bumbero na pasukin ang mga eskinita sapagkat makikitid ang kalsada. Kinapos din sa tubig ang mga bumbero dahil mahina ang pressure sa lugar. Umabot hanggang sa ikalimang alarma ang sunog. Humihingi ng tulong ang mga residenteng naapektuhan ng sunog.

Mula nang pumasok ang Marso, marami nang sunog ang naganap at ang ilan ay malalagim sapagkat may mga namatay. Kagaya ng isang sunog sa Pasay City noong unang linggo ng Marso na siyam na mi-yembro ng pamilya ang namatay. Nagmula ang sunog sa naiwanang computer.

Hindi pa nadedeklara ang pagsisimula ng hot season o summer. Ayon sa PAGASA sa huling linggo pa ng Marso. Ibig sabihin, ang nararanasang init ay hindi pa lubos. Paano pa kung totoo nang summer? Tiyak na marami pang sisiklab na sunog kung hindi mag-iingat.

Hindi lamang mga kabahayan ang dapat mag-ingat kundi pati na rin ang mga establisimento, gusali, ospital, ganundin ang mga dormitoryo at boarding house. Kailangang inspeksiyunin kung mayroong fire exit ang mga ito. Dapat maging alerto ang lahat sapagkat anumang oras ay maaaring magkasunog. Panatilihin ang pag-iingat.

Show comments