EDITORYAL - Salamat, binuwag na ang Road Board
EKSAKTONG isang buwan mula nang ilapag sa mesa ni President Duterte ang panukalang batas na nagbubuwag sa Road Board, nilagdaan din niya ito. Medyo natagalan ang paglagda pero marami ang natuwa sapagkat nalusaw na rin sa wakas ang graft-ridden Board Road. Kabilang sa mga nasiyahan ay ang mga motorista na nagbabayad taun-taon ng motor vehicle user’s charge (MVUC).
Nilagdaan ng Presidente ang Republic Act 11239 noong Martes at sinabi nito na napupunta lamang sa mga corrupt ang bilyong pondo na nakokolekta sa motorista kaya nararapat lamang na buwagin na ito. Umalingasaw ang baho ng corruption sa Road Board noon pang 2017 at nalanghap ito ng Presidente. Siya naman ang nagsabi na kapag may nalanghap siyang corruption sa mga tanggapan ng pamahalaan, aaksiyunan niya. Isa sa mga ipinangako niya nang kumandidato noong 2016 elections ay ang pagwasak sa corruption.
Ayon sa report, mula 2001 hanggang May 2018, ang total collections mula sa MVUC ay P166.18 bilyon. Sa ilalim ng RA 11239, ang pondo na makukuha sa MVUC ay ire-remit sa National Treasury sa ilalim ng special account sa General Fund. Ang pondo ay ekslusibong gagamitin lamang sa pagpapagawa, pagre-repair, pag-a-upgrade at pag-rehabilitate ng mga kalsada, tulay at drainage system. Makakasama ang pondo sa taunang General Appropriations Act.
Malinaw na hindi nagagamit nang maayos ang pondo sa ilalim ng Road Board. Marami nang bali-balita sa nangyayaring korapsiyon sa Road Board pero walang maglakas ng loob na magreklamo para mahalukay ang tungkol sa nalilikom na pondo.
Maraming motorista rin ang nagtatanong kung bakit sa kabila nang taun-taon na pagbabayad ng MVUC ay sira-sira pa rin ang mga kalsada at tulay. Bukod pa rito, marami rin ang walang sapat na signages o mga babala sa kalsada. Ang mga gilid ng bundok ay walang railings dahilan para mahulog ang mga pampasahero at pribadong sasakyan. Marami nang malalagim na pangyayari na ang pampasaherong bus ay nahuhulog sa bangin dahil sa kawalan ng barriers.
Salamat at nilagdaan na ng Presidente ang Road Board. Matatahimik na ang kalooban ng mga motoristang nagbabayad taun-taon para sa road user’s tax. Sana magamit nang maayos ang pondo.
- Latest