ISANG tindahan ng mga lumang kagamitan sa North Carolina ang nagawang maibenta ang dalawa nilang tindang muebles sa halagang $1,000.
Ito’y sa kabila ng kanilang babala na “haunted” o may kababalaghan sa likod ng kama at drawer na hindi nila maipaliwanag.
Ayon kasi sa mga dating may-ari ng kama, lagi silang binabangungot noong iyon pa ang kanilang ginagamit na kanilang tulugan.
Hindi naman daw tumitigil ang kanilang mga aso sa pagkahol sa drawer.
Bagama’t isang Christian ministry ang nagpapatakbo sa tindahan at hindi sila opisyal na naniniwala sa mga multo, minabuti pa rin nilang ipaalam ito sa mga interesadong bumili sa mga lumang muebles na ginawa pa noong 1950s.
Sa kabila ng kanilang babala ay agad pa rin nilang naibenta ang drawer at kama sa halagang $1,000 (P55,000).
Binili ito ni Ricky Scott na hindi natatakot sa babala ng nagbenta. Umaasa na lang daw siyang kung may magmulto man mula sa kanyang mga binili ay sana raw ay mababait ang mga ito.