EDITORYAL - Aprub na ang malaking plaka ng motorsiklo
NGAYONG isa nang batas ang pagkakaroon nang malaking plaka ng motorsiklo, madali nang makikilala ang driver nito kapag nasangkot sa aksidente, criminal activities at iba pang labag sa batas. Hindi lamang motorsiklo ang sakop ng batas kundi pati na rin ang mga traysikel. Nilagdaan ni Pres. Rodrigo Duterte ang batas (Republic Act 11235 o Motorycle Prevention Act) noong Huwebes.
Sa ilalim ng batas, magkakaroon na nang malaking plaka ang mga motorsiklo at tricycle na ilalagay sa harap at sa likod. Magiging color-coded na rin ang registration ng mga motorsiklo para madaling malaman kung saang lalawigan o rehiyon ito nakarehistro kung sakali mang masangkot sa aksidente o krimen.
Nakasaad sa RA 11235 na ang sinumang lalabag o hindi susunod sa pagkakaroon nang malaking plaka ay mabibilanggo ng 6 hanggang 12 taon at pagmumultahin ng P50,000 hanggang P100,000. Nakasaad din sa batas na dapat ay may impounding area ang local government units (LGUs) sapagkat kasama sa parusa ang pagkumpiska sa mga motorsiklo o traysikel ng sinumang lalabag.
Mahalaga ang batas na ito at dapat na maipatupad nang mahigpit. Hindi sana matulad sa ibang batas na pagkatapos malagdaan ay hindi naman naipatutupad at naging dekorasyon na lamang. Maraming batas na pagkaraang pagdebatehan ay nawawalan ng silbi sapagkat hindi nai-implement.
Sa pagkakaroon nang malaking plaka, hindi na makalulusot ang mga gagawa nang masama gaya nang pagsalakay ng riding-in-tandem na nanghoholdap o pumapatay. Kung may gagawing masama ang riding-in-tandem, makikita na agad ang kanilang plaka. Pati ang mga nakamotorsiklong nang-aagaw ng bag at cell phone ay tiyak na matitiklo.
Mahusay na pagpapatupad na lamang ng batas ang kailangan at maaaring mabawasan na ang mga nangyayaring krimen gamit ang motorsiklo. Kapaki-pakinabang ang batas na ito na malaki ang maitutulong sa kapakanan ng bawat mamamayan.
- Latest