NAGTATAKA ang mga residente ng isang maliit na bayan sa Spain matapos isang anonymous donor ang nag-iwan ng mga sobreng puno ng pera sa ilang mga bahay doon.
Simula kasi noong isang linggo ay nasa 15 tao sa Villarramiel, Northern Spain, ang nakatanggap ng sobreng may laman na 100 euros ayon sa Mayor ng lugar na si Nuria Simon.
Inaalam tuloy ng mga taga Villarramiel kung papaanong pinili ng anonymous na donor ang kanyang mga pinagbigyan ng salapi.
Wala kasing koneksyon o pagkakapareho ang mga nabiyayaan ng pera na kabilang ang isang biyuda, mag-asawa na may maliliit pang mga anak, may edad na mag-asawa na walang anak, at matatanda.
Hindi rin malaman ni Simon kung ano ang motibo ng binansagang “Robin Hood of Villarramiel.”
Nagpunta naman sa pulisya o sa banko ang ilan na sa mga nakatanggap upang i-report ang nangyari at para na rin ma-tsek kung totoo o peke ba ang salaping iniwan sa kanila. Nang suriin ay napag-alamang totoo ang lahat ng ipinamigay na pera ng misteryosong donor.
Wala namang balak na mag-imbestiga ang mga pulis dahil wala namang nalabag na batas ang tinaguriang “Robin Hood.”