Patuloy ang paglilinis sa Manila Bay. Ginuguwardiyahan pa ang bahaging nililinis para walang makalusong na mga tao at makapagligo. Tone-tonelada ng burak at basura ang nakuha sa ilalim ng dagat at hanggang ngayon patuloy pa ang paghahalukay o dredging. Anim na linggo umanong huhukayin ang Manila Bay gamit ang mga makabagong makinarya.
Nabasa ko na seryoso ang Department of Environment ang Natural Resources (DENR) sa paglilinis ng Manila Bay gaya rin ng ginawang paglilinis sa Boracay. Sa kasalukuyan, malinis na malinis ang Boracay at marami na namang turistang dumadagsa roon. Nagalit si President Duterte sa karumihan ng Boracay na tinawag niyang “cesspool” o poso negro kaya iniutos na isara sa loob ng 6 na buwan para linisin. Nagtagumpay ang DENR sa Boracay at nadisiplina ang mga may-ari ng resort at restaurant.
Nagalit din si Duterte nang makita ang karumihan ng Manila Bay kaya ipinag-utos sa DENR na linisin ito. Ito ang dahilan kaya nagkukumahog si DENR Sec. Roy Cimatu sa paglilinis ng makasaysayang Manila Bay. Ininspeksiyon ni Cimatu ang mga estero na nakakonekta sa Manila Bay ay natuklasan na maraming establisimento ang nagtatapon ng dumi sa mga estero at mula rito, tumatapon sa Manila Bay. Walang waste water treatment facilities ang mga establisimento at mga restaurant kaya ang dumi ay sinusuka sa Manila Bay. Unang pinasara ang Manila Zoo na napatunayang ang mga dumi at basura ay deretsong tumatapon sa estero at iniluluwa sa Manila Bay.
Nakikita kong seryoso si Secretary Cimatu sa paglilinis ng Manila Bay. Tama lang na ipasara ang mga establisimento na nagsusuka ng kanilang dumi. Pero para sa akin, mas maganda kung isasabay na ang pag-relocate sa mga squatters na nasa baybayin ng Manila Bay. Ang mga squatters sa palagay ko ang numero unong nagpaparumi sa Manila Bay dahil tapon lang sila nang tapon ng kanilang basura na karamihan ay mga plastic na supot, sache ng shampoo, coffee, sauce, ketsup at iba pa. Ilipat ang squatters para mawala ang basura sa Manila Bay.
Sayang lang ang paglilinis sa Manila Bay kung nariyan ang squatters. ---RODITO JAMLO, Vicente Cruz St., Sampaloc, Manila