Totoo bang pro-poor? O maskara lang?
KUNG mapapansin, iisa ang ipinakikitang imahe ng “senatoriables” sa kanilang mga paid political advertisements, lahat sila’y mga “pro-poor” at laban na laban sa katiwalian. Maging ‘yung walang political advertisements, ganito ring imahe ang pinalulutang. Sana nga, lahat ng 63 kandidato sa pagka-senador ay pawang mga “pro-poor” at laban sa katiwalian.
Bakit kaya ganito ang kanilang “positioning,” gayong tumatakbo sila bilang tagagawa ng batas? Hindi kaya dapat ang bigyang-pansin nila’y ang kanilang mataas na pinag-aralan at kakayahang magpanukala ng batas, ang kanilang kagalingan sa pakikipagdebate o pakikipag-argumento?
Marahil, ang mga kandidatong ito’y ginagabayan ng resulta ng survey na isinagawa ng Social Weather Station noong Disyembre 2018 tungkol sa mga katangiang hinahanap ng mga botante sa isang senador. Naririto ang resulta: 42% ng mga Pilipino ay nagsabi na ang gusto nila’y mga kandidatong “pro-poor” na ipinakikita sa pamamagitan ng aktuwal na pagtulong sa mahihirap at nangangailangan; 25%, ang gusto’y hindi tiwali; 21%, ang gusto’y may mabuting ugali, maaasahan at makatarungan; 14%, ang gusto’y tumutupad sa mga ipinangako; 3%, ang gusto’y matalino; at 2%, ang gusto’y kandidatong may pangarap para sa pag-unlad ng Pilipinas.
Kapansin-pansin, na napakababa ng pagpapahalaga ng mga botante sa pinag-aralan at professional background ng kandidato. Ang dapat sana’y ‘yong dalawang huli ang nasa unahan. Mas nangingi-babaw sa mga botante ang emosyon, sa halip na pag-iisip. Kaya ang labanan ay pagalingan sa drama. Mas maemosyon, mas epektibo. Sa puntong ito’y napakalaki ng kalamangan ng mga artista, lalo na ‘yong mga bida, sapagkat sa kanilang mga pelikula, lagi silang tagapagtanggol ng mahihirap at naaapi.
Hirap ang mga karaniwang botante na isipin na pelikula lamang ang mga iyon at maaaring hindi naman totoo sa tunay na buhay. Ang totoo, maraming mga artistang laging kontrabida, pero sa totoong buhay pala’y napakabait at napakamatulungin. Noong sinaunang panahon, ang mga artista na lumalabas sa mga dramang itinatanghal sa mga teatro ay nagsusuot ng maskara alinsunod sa papel na kanilang ginagampanan upang maitago ang talaga nilang pagkatao. Dalawang uri ang mga drama noon: katatawanan at trahedya.
Sa tuwing halalan, napakaraming kandidatong nagsusuot ng maskara upang itago ang tunay na pagkatao. Nagsusuot ng maskara ng pagiging makamahirap, ngunit sa totoong buhay pala’y nagpapahirap sa mahihirap. Nagsusuot ng maskara ng pagkamuhi sa katiwalian, ngunit sa tunay na buhay pala’y sagad sa buto ang pagkatiwali. Nagsusuot ng maskara ng pagiging mabuti, ngunit sa totoong buhay pala’y sangkot sa mga gawaing illegal at immoral.
Kung hindi matututo ang mga botante na kilatising mabuti ang tunay na pagkatao ng mga kandidato sa likod ng mga maskarang kanilang suot-suot, ang halalan natin ay mauuwi sa katatawanan at trahedya. Katatawanan sapagkat ang mga mahahalal na hindi karapat-dapat ay walang gagawin kundi magpatawa at umarteng tila may ginagawa. Trahedya sapagkat ang mga mahahalal na hindi karapat-dapat ay lalong magdaragdag sa kahirapan at kawalang-katarungan sa lipunan.
Bilang botante, nasa kamay mo ang pagpili. Alisin mo ang maskara ng kandidato sa pamamagitan ng malalimang pagsusuri at pagsisiyasat sa kanilang tunay na pagkatao. Magpakatalino ka na, alang-alang sa kinabukasan ng susunod na henerasyon. Humingi ng karunungan mula sa Diyos. Ganito ang wika sa Santiago 3:17, “Pero ang karunungan na galing sa Diyos, una sa lahat, pure, nakikipagkasundo sa lahat, mabait, pinagbibigyan ang iba, sobrang maawain at nagbubunga ng mabubuting gawa, at hindi unfair o plastic.” (New Testament Pinoy Version)
- Latest