PAULIT-ULIT naming sinasabi, hindi kami naninira ng anumang negosyo. Pero kung kayo’y inirereklamo ng panloloko’t panlilinlang, giba ang aabutin niyo sa amin.
Itong inirereklamong land developer, suki na sa amin noon pa. Wala pang Kilos Pronto sa telebisyon, kilala na namin itong San Jose Builders.
Kung mayroon lang award sa pagiging dorobo, gold medal na ito. Pangalan pa naman ng santo… hindi na natuto. Patuloy na iniisahan ang kanilang kliyente.
Parehong-pareho ang reklamo, iba lang ang mukha ng dismayadong buyer. Pinaasa na makalilipat sa biniling condominium unit. Pero makalipas ang ilang taon, kalansay pa rin ang istraktura ng condo.
Ang biktima, kumuha ng unit sa San Jose Builders taong 2014 pa. Taong 2015, nagkamali ang buyer at bumili ulit ng isa pang unit.
Sinabi ay matatapos sa 2016 ang condominium. Dumating ang 2019, wala pa ring matirhan ang pobre. Napuno na ang nagrereklamo kaya tumakbo na sa nag-iisang pambansang sumbungan.
Gusto na lang mabalik at makuha ang pera. Ang sanhi ng problema, non-delivery ng mga condo units ng delinquent na developer.
Dapat sa mga putok sa buhong ito, masampolan at ‘di na mabigyan ng license to sell. Malamang gawin na namang palusot ang Maceda Law, tulad ng putok sa buhong Duraville.
Manghihimasok na kami para siguradong mabawi ang pera at matigil ang bulok na sistema ng San Jose Builders. Kapag kami ay nilapitan, we go the extra mile.
Kasama na kami sa HLURB kapag nagkaroon ng harapan, guided ng aming resident lawyer. Mahirap na, baka daanin n’yo sa boladas at pandurugas matakpan lang ang kapabayaan. Hindi makakalusot sa amin ‘yang mga palusot niyo.
Patatagalin nang patatagalin hanggang sa abutin na naman ng siyam-siyam ang refund. Hindi pupwede sa amin ‘yan! Ano kayo? Hilo?
Garapalang unethical business practice. Napakatagal na nitong condo, hindi pa rin naibibigay sa buyer. Hindi kami nagbibiro. Kami na ang makakalaban n’yo. Dalawa lang pagpipilian n’yo, ibabalik niyo ang pera o ibababalik n’yo?