Lalaki, nakaligtas sa airplane crash matapos ma-late ng 2 minuto sa flight

ISANG lalaki mula sa Greece ang nag-post sa kanyang Facebook account at nagsabing siya dapat ang ika-150 na pasahero sa eroplano ng Ethiopian Airlines na nag-crash, kung hindi lamang siya na-late sa kanyang flight ng 2 minuto.

Ayon sa Facebook post ni Antonis Mavropoulos na may pinamagatan niyang “My lucky day” ay nagalit pa raw siya nang wala raw airport personnel na tumulong sa kanya upang makahabol sa kanyang biyahe.

Papunta dapat si Mavropoulos, presidente ng non-profit organization na International Solid Waste Association, sa Nairobi upang dumalo sa isang conference na inorganisa ng UN Environment Program.

Huli na nang marating niya ang departure gate na kasasara lamang ng dalawang minuto bago siya dumating.

Sasakay pa sana siya sa isa pang flight ngunit pinigilan siya ng airport staff at dinala sa istasyon ng pulis.

Ipinaliwanag sa kanya na bumagsak ang eroplanong hindi niya inabutan at gusto lamang siyang kuwestiyunin ng mga awtoridad kung paanong siya lamang ang nakalistang pasahero ang hindi sumakay sa nasabing flight.

Nasa 157 katao mula sa 30 countries ang sakay ng nag-crash na eroplano, kabilang na ang ilang kawani ng UN.

Kakukuha pa lang ng Ethiopian Airlines ng Boeing 737-800 Max 8 noong Nob.15, 2018. Iyon din ang modelo ng eroplano na nag-crash noong Oktubre 2018 matapos mag take-off mula Jakarta na ikinamatay ng lahat ng sakay na 189 katao.

Show comments