BINIGYAN ng Florida travel insurance company ng $10,000 (katumbas ng higit kalahating milyong piso) ang isang high school teacher sa Georgia, USA matapos niyang basahin ang “fine print” sa insurance policy na kanyang binili.
Binili ng 59-anyos na si Donelan Andrews ang travel insurance para sa kanyang bakasyon sa London.
Sa pagbabasa ng mga kondisyon sa insurance policy, napansin niya ang kakaibang mensahe sa pinakahuling pahina nito na nagsasabing isa siya sa mga iilang customer ng insurance company na Squaremouth na talagang binabasa ang nakasulat sa kontrata
Bahagi pala ang mensahe ng sikretong contest na inilunsad ng kompanya noong Pebrero 11 sa pamamagitan ng patagong paglalagay ng pangako ng premyong $10,000 sa fine print o sa mga kondisyon ng kanilang insurance policy na nakasulat sa maliliit na titik.
Nangako ang kompanya na bibigyan nila ng $10,000 ang unang makapagpapadala ng email sa address na nakalagay sa mensaheng itinago nila sa fine print ng kanilang insurance policy.
Ayon kay Andrews, nag-apply na siya para sa retirement isang linggo bago niya napanalunan ang $10,000. Gagamitin daw niya ang premyo para sa biyahe nilang mag-asawa sa Scotland upang ipagdiwang ang kanilang 35th wedding anniversary.