Halimaw

TATLUMPUNG taon na pala ang world wide web, isa sa mga serbisyo sa internet na ginagamit sa buong mundo para makapagbukas o makakonekta sa iba’t ibang website.

Madalas napapagkamalan sa isa’t isa ang internet at world wide web o web (www). Pero, ayon sa mga eksperto,  ang Web ay isang koleksiyon ng mga interconnected documents (web pages) at ng iba pang web resources na pinag-uugnay ng hyperlink at URLs.  Ang internet naman ay isang pandaigdigang sistema ng mga konektadong network ng computer na gumagamit ng internet protocol suite (TCP/IP) para magkaugnayan ang mga devices sa buong mundo.  Mas malawak ang sakop ng internet dahil isa itong network ng mga network na binubuo ng mga network ng sektor na pribado, publiko, academic, business at government na lokal o pandaigdigan ang saklaw na pinag-uugnay ng maraming klase ng electronic, wireless at optical networking technologies. Dinadala nito ang maraming information resources at services tulad ng inter-linked hypertext documents and applications ng World Wide Web, electronic mail, telephony at file sharing.

At pagkaraan ng tatlong dekada mula nang maimbento ng English engineer at computer scientist na si Timothy John Berners-Lee ang world wide web,  napaulat ang isang malungkot niyang babala na ang kanyang likha ay na-hijacked umano ng mga masasamang-loob na maaa-ring ikasira ng Web.  Ginagamit anya ng mga crook na ito at maging ng mga troll ang world wide web para manipulahin ang mga tao sa mundo. Inihalimbawa niya ang mga cyber crime, personal data theft at fake news na nagiging banta sa integridad ng internet.

Sinegundahan din ito  ng retiradong computer technician na pumalit sa kanya sa kanilang kompanya noon na si Francois Fluckiger na naglitanya hinggil sa mga online bullying, fake news, banta sa privacy at mass hysteria sa internet kaya maitatanong kung lumikha ba sila ng halimaw na nawala sa kontrol?

Nanawagan pa nga si Berners-Lee sa mga kinauukulan sa buong mundo na lumikha ng mekanismo para mapangibabawan ang mga gumagamit ng teknolohiyang ito para lumabag sa mga karapatang pantao.

May katotohanan ang mga pahayag na ito ni Berners-Lee. Hindi pa nga lang nila nabanggit ang mga hacker, spammer, at iba pang mga kriminal na ginagamit ang internet para makapanloko, makapagnakaw, makapagsamantala, makapang-abuso at makapanakit ng ibang tao.  Isang halimbawa rito ang nagpakalat ng kontrobersiyal na Momo challenge na isang panlilinlang at huwad na social media challenge  at humihimok sa mga bata na saktan ang kanilang sarili o magpatiwakal. Napakadalang umano kung meron man ng mga nabiktima ng Momo na ito pero kumilos naman ang mga awtoridad sa iba’t ibang bahagi ng mundo para mabalaan ang mga tao laban dito at maingatan o mapag-inagt ang mga bata.

Masasabing kabilang ang “Momong” ito sa mga crook na ginagawang “halimaw” ang internet. Tila tinatangka nitong pangibabawan at burahin ang magagandang bentahe at tulong na nagagawa ng internet sa araw-araw na pamumuhay ng mga tao.

Hindi naman nagkukulang ang mga kinauukulan sa pagpapaalala sa publiko sa paggamit ng internet na mag-ingat. Kabilang dito ang mahigpit na pag-iingat, pagiging mapagmatyag at mapanuri.   Kung maraming totoo sa internet, marami rin ang mga kasinungalingan na kagagawan ng mga kriminal o ng tinatawag na mga cyber criminal. Isa itong dahilan kaya meron na ring mga batas na sumasaklaw sa  internet para mapangalagaan ang publiko laban sa mga “makabagong criminal.”

(Anumang reaksyon sa kolum na ito ay e-email sa rbernardo2001@hotmail.com)

Show comments