EDITORYAL - Iprotesta ang pagtataboy sa mga mangingisdang Pinoy

ITINABOY na naman ng Chinese vessels ang mga mangingisdang Pinoy habang nasa Pag-asa Island noong nakaraang linggo. Ang Pag-asa ay isa sa mga isla na sakop ng Pilipinas at matagal nang nangingisda roon ang mga Pinoy fishermen.

Ayon sa report, hinarang at itinaboy ng Chinese vessel ang mga Pinoy. Ayaw silang pangisdain sa pag-aaring isla. Walang nagawa ang mga Pinoy kundi umalis. Lumung-lumo sila sa pangyayari sapagkat ang pangingisda sa nasabing lugar ang tangi nilang pinagkukunan ng ikabubuhay.

Ang nangyaring pagtataboy o pangha-harassed sa mga mangingisda ay ipinaalam na sa mayor ng Kalayaan na si Roberto del Mundo. Hindi ito ang unang pagkakataon na itinaboy ng Chinese vessels ang mga mangingisdang Pinoy.

Nakapagtataka naman na wala pang ginagawang hakbang ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa kaso ng mga mangingisda. Isang linggo na ang nakalilipas subalit wala pang inihahaing diplomatic protest ang DFA sa ginawa ng Chinese vessels.

Nang tanungin ang Malacañang ukol dito, tanging ang DFA mismo ang may karapatang maghain ng reklamo para matigil ang ginagawang pagtataboy ng mga Chinese sa mangingisdang Pinoy. Sabi ng Malacañang, hindi tama ang ginawang pagtataboy sa mga mangingisda.

Lagi na lamang nagsasawalang-kibo ang pamahalaan sa mga nangyayaring pangha-harassed at tiyak na mauulit pa ito sa hinaharap. Tiyak na hindi titigil ang mga tusong Chinese sapagkat alam nilang hindi pumapalag ang pamahalaan. Hahayaan na lamang bang ganito sa habampanahon?

Kawawa naman ang mga mangingisdang Pinoy na inaasa ang pangingisda para may maipambuhay sa pamilya pero sinasansala ng mga gahamang Chinese. Legal naman ang ginagawa ng mga mangingisdang Pinoy pero bakit ayaw kumilos ang pamahalaan para maghain ng reklamo. Sobra na ang ginagawa ng mga Chinese at dapat na itong maputol.

Show comments