TIYAK na darami pa ang illegal Chinese sa bansa ngayong may “go signal” na si President Duterte na hayaan na ang mga ito na magtrabaho rito. Malaki ang magiging epekto nito sa mamamayan sapagkat maaagawan sila ng ikabubuhay bukod pa sa magiging banta sa seguridad.
Isa pang nakaaalarma sa pagdami ng illegal Chinese sa bansa ay ang pagkalat ng illegal na droga na ang karaniwang nagdadala ay mga Chinese. Hindi lamang shabu ang kumakalat ngayon sa bansa kundi pati na rin cocaine na ipinaaanod sa dagat. Kamakailan, dalawang Chinese ang napatay makaraang salakayin ng PDEA ang isang bodega sa Cavite na imbakan ng shabu at cocaine.
Ngayong nagpahayag ang Presidente na maging maluwag sa illegal Chinese at hayaang magtrabaho sa bansa, nagbibigay ito ng pangamba o agam-agam na maaaring sa hinaharap ay mas marami pang Chinese dito at maaagawan na ng ikabubuhay ang nakararami. Tinatayang may 119,000 illegal Chinese sa bansa.
Sabi ni Duterte, hayaan na ang illegal Chinese na magtrabaho rito sapagkat mas marami raw illegal na Pinoy sa China. Umaabot daw sa 300,000 Pinoys ang illegal na nagtatrabaho sa China. Paano raw kung sabihin niya sa mga illegal Chinese dito na ipadeport ang mga ito at gumanti ang China, mas marami ang apektadong Pinoys. Kaya mas mainam nang hayaan ang mga illegal Chinese na magtrabaho rito para hindi rin manganib ang kalagayan ng mga Pinoy sa China. Ang kalagayan lang daw ng mga kababayan ang concern niya.
May punto naman ang Presidente sa pagpayag niya pero sana ay makontrol ang pagdagsa ng mga Chinese na para bang talagang sinasadya na nilang dito manirahan palibhasa ay maluwag ang Presidente sa kanila. Parang inaabuso na ang pagiging magkaibigan ng dalawang bansa.
Pilitin naman sana ng pamahalaan na makalikha nang maraming trabaho rito para mapauwi na ang illegals sa China at dito na sila maghanapbuhay.