Lalaki sa Canada, nagsuot ng 260 pinagpatung-patong na T-shirt para may maipang-tuition ang mga anak

ISANG lalaki sa Ontario, Canada ang nagsuot ng 260 pinagpatong-patong na t-shirt upang makalikom ng donasyon para sa eskuwelahan ng kanyang mga anak at upang makapagtala na rin ng bagong world record.

 

Naisip ni Ted Hastings na tangkaing kuhanin ang world record para sa pinakamaraming t-shirt na naisuot ng isang tao nang sabay-sabay nang mabasa nila ng kanyang anak ang tungkol dito sa Guinness Book of World Records.

Kaya naman umorder kaagad siya ng dose-dosenang 20 XL na mga t-shirt mula India kung saan maaring magkasya ang higit 200 t-shirts na kanyang isusuot.

Ayon kay Hastings, hindi naging madali ang pagsusuot ng 260 t-shirts – na mas marami ng tatlo sa dating world record. Kaya pa raw niyang tiisin noong 100 pa lamang ang kanyang naisusuot ngunit pagsapit ng 150 ay nagsisisi na raw siya.

Nagpahirap raw ang bigat ng mga t-shirt na aabot sa 1 pound para sa mga may sukat na 10 XL hanggang 20 XL.

Sulit naman ang hirap na tiniis ni Hastings dahil kinumpirma kaagad ng kinatawan ng Guinness na nakasaksi sa kanyang world record attempt na nakapagtala na nga ng bagong world record si Hastings.

Nakalikom din siya ng donasyon para sa Bridgeport Public School, kung saan nag-aaral ang kanyang 2 anak.

Show comments