Habambuhay na numero
BAKIT nga ba kasi ang mga numero ng mga cell phone o smartphone ay nababago o napapalitan? Postpaid man o prepaid. Ganito na ang sitwasyon mula pa noong unang mauso ang gadget na ito. Hindi tulad ng mga landline na telepono na permanente na ang numero na puwedeng tawagan kahit kailan kailangan. Karamihan ng landline number ay tumatagal ng dalawa o limang dekada o mahigit pa.
Sa smart phone/cell phone, hindi ka nakakasiguro kung ang isang numero ay patuloy na ginagamit ng may-ari nito sa pagdaan ng mahabang panahon. Bukas makalawa ay hindi mo na siya makokontak dahil nagpalit na siya ng numero.
Sabagay, sa mga postpaid ang network service ay maaari pa ring mapanatili ang numero kahit mawala ang ginagamitan nitong smart phone. Pero ang mga gumagamit ng ganitong serbisyo ay yung may kakayahang magbayad ng buwan-buwan sa kanilang service provider kaya tuluy-tuloy ang paggamit nila rito nang maghapon at magdamag araw-araw nang walang palya. Kaso, kahit postpaid na iyan, magkakaroon ng ibang numero ang gumagamit kapag nagpalit siya ng network provider.
Sa mga smart phone na ginagamitan ng prepaid na SIM card na magagamit mo lang habang mayroon itong load. At nakakarami pa rin ang bilang ng mga gumagamit ng prepaid kaya nga isa itong naging malaking negosyo lalo na sa mga nagbebenta ng SIM card at load. Kapag nagpalit ka naman ng sim card na iba ang network service provider, iba na naman ang number.
Alam ng marami sa atin ang iba’t ibang dahilan kung bakit may mga nagpapalit ng numero ng smart phone. Pero alam din natin na malaking abala rin ang ganitong pagpapalit ng numero sa bahagi ng gumagamit nito at mga tao na gusto siyang makontak. Alam din natin na nagagamit din ng mga kriminal ang mga prepaid na SIM card dahil nga puwede itong pagpalit-palitin. Kaya nga meron ding hakbang sa mga kinauukulan na irehistro ang mga SIM card.
Isa naman sa mga bentahe ng permanenteng numero ng smartphone na kahit maraming taon mo na itong hindi natatawagan o nate-text ay makakaasa kang makakasagot ang nagmamay-ari nito.
Kaya kaabang-abang ang mangyayari kapag naipatupad na nang tuluyan ang Republic Act 11202 (Mobile Number Portability Act) na nilagdaan nitong nagdaang linggo ni President Duterte para maging ganap na batas. Sa batas na ito, obligado ang mga mobile service provider na magbigay sa mga subscriber ng mga numero na maaari pa rin nilang gamitin kahit magpalit sila ng network. Ibig sabihin, magiging permanente na ang numero ng isang subscriber kahit magpalit pa siya ng SIM card.
- Latest