EDITORYAL - Mag-ingat sa sunog
SA susunod na buwan pa ang Fire Prevention Month pero marami na ang nangyayaring sunog sa Metro Manila. At ilan sa mga sunog ay malalagim na umutang nang maraming buhay. Sa nangyayaring ito, dapat mag-ingat ang mamamayan. Huwag hayaang tupukin ang mga pinaghirapang ari-arian at siyempre ang pinakamahalaga ay ang buhay.
Noong Lunes, isang sunog ang naganap sa North Fairview, Quezon City na ikinamatay ng isang apat na taong gulang na batang lalaki. Nakilala ang biktima na si Alexander Salas. Ayon sa pamilya ng bata, iniwan itong natutulog ng kapatid nito para bumili ng sitsirya.
Pagbalik ng kapatid, umuusok na ang kanilang bahay at biglang lumaki ang apoy. Ayon sa fire marshal, maaaring may sinding kandila ang dahilan ng sunog. Nahirapan ang mga bumbero na makapasok sapagkat dikit-dikit ang mga bahay.
Noong nakaraang Sabado, isang sunog ang naganap sa Bgy. South Cembo, Makati City. Natupok ang ilang bahay at wala namang namatay o nasugatan. Hinihinalang faulty electrical wiring ang dahilan ng sunog.
Pinakamalagim ang nangyaring sunog sa Maricaban, Pasay City noong nakaraang linggo kung saan siyam katao ang namatay. Ayon sa ina, na tanging nakaligtas sa sunog, nagmula sa isang computer na nasa ilalim ng kahoy na hagdan ang apoy. Nag-overheat umano ang computer na maaaring naiwan na nakasaksak.
Namatay ang kanyang asawa at apat na anak, kapatid na babae, asawa nito at dalawang anak. Hindi na nagising ang mga ito. Mabilis na kumalat ang apoy sa iba pang mga bahay na gawa sa light materials. Nahirapan ding makapasok ang mga bumbero sapagkat dikit-dikit ang mga bahay.
Maiiwasan ang trahedya sa sunog kung magkakaroon ng ibayong pag-iingat ang lahat. Lagi nang ipinaalala ng mga awtoridad na huwag iiwan na nakabukas ang mga appliances gaya ng electric fan at computer, cell phone na naka-charge sapagkat maa-ring mag-overheat. Huwag ding hayaang paglaruan ng mga bata ang mga posporo at huwag iiwan ang mga nakasinding kandila.
Ang paglalagay ng jumper sa mga poste ng kuryente ay delikado at kadalasang pinagmumulan ng sunog. Ireport ang pagnanakaw na ito para makaligtas ang lahat sa posibleng sunog.
- Latest