NAGAWA muling buhayin ng mga beterinaryo sa Montana ang isang 3-taong gulang na pusa na nadatnan ng mga amo nitong nanigas sa lamig at nababalutan na ng snow.
Ayon sa mga nagmamay-ari sa pusang si “Fluffy”, natagpuan na lang daw nila ito sa labas ng bahay at mukhang matagal na itong nakahandusay doon habang unti-unti itong nababalutan ng pumapatak na niyebe.
Mukha raw may hinuhuli ang pusa sa labas nang abutan ito ng matinding lamig.
Sa sobrang tigas ng pusa, hindi na rumehistro ang temperatura ng katawan ni Fluffy nang suriin ito sa beterinaryo .
Nagawang buhayin muli si Fluffy sa pamamagitan ng pagturok sa kanya ng mga gamot na pangontra sa lamig at sa pamamagitan ng pagbalot sa kanyang katawan ng maiinit na tuwalya.
Alam na ng mga gumamot sa pusa na magiging maayos ang kalagayan nito nang magsimula na raw itong umungol.
Wala namang nakikitang kapabayaan sa panig ng mga amo ni Fluffy dahil parati raw talagang nasa labas ito at maaring nagtamo ito ng injury kaya hindi nakapasok ng bahay at nababad sa lamig.