Huwag balewalain ang trangkaso
ANG salitang “flu” ay galing sa influenza. Iba ang virus na nagdudulot ng trangkaso kaysa sa virus na may dala ng ordinaryong sipon. Rhinovirus ang karaniwang may dala ng common colds.
Ano ang ikinaiba ng sipon sa trangkaso?
Kapag ang pasimula ng kondisyong nararanasan ay paghahatsing at pangangati ng lalamunan, posibleng sipon ang dahilan. Pero kung ang naunang naramdaman ay paglalagnat, pananakit ng ulo, at pakiramdam na parang laspag ang katawan, mas malamang na flu o trangkaso ito. Kaya sa unang mga sintomas pa lang ay may ideya na tayo kung sipon o trangkaso ang nararamdaman natin.
Bukod dito, dapat din nating isaalang-alang ang tindi ng sintomang dala ng mga virus na ito. Sa ordinaryong sipon, kahit masama ang ating pakiramdam, may energy pa rin tayo para magreklamo. Pero sa kaso ng trangkaso, masyado nang masama ang ating pakiramdam para mag-complain. Plakda agad. Hinang-hina ang ating pakiramdam dahil sa lagnat, pananakit ng katawan, at matinding ubo.
Ang nasabing flu virus ang dahilan kung bakit ang katawan natin ay naglalabas ng tinatawag na inflammatory compounds gaya ng prostaglandin at interleukin, na nagdudulot ng lagnat, pananakit ng buong katawan, at nanghihinang pakiramdam. Kaya naman dapat din nating bigyan ng anti-inflammatory drugs ang pasyenteng na-trangkaso gaya ng paracetamol, ibuprofen, at aspirin. Nababawasan ang lagnat at pananakit ng mga kasu-kasuan at kalamnan dahail dito.
May papel ba ang antibiotic sa pagsugpo ng flu?
Hindi karaniwang ginagamit ang anumang antibiotiko para sa impeksyong dala ng virus. Ang antibiotic ay mabisa lamang laban sa bacteria. Ang flu ay dala ng virus, hindi ng bacteria. Pero kung nauwi sa pagkakaroon ng bronchitis ang kaso ng flu, doon puwedeng uminom ng antibiotic.
Hindi dapat balewalain ang pagkakaroon ng trangkaso. Kapag ito’y napabayaan, posibleng mauwi ito sa pulmonya. Ito na ang pinakamatinding komplikasyon ng trangkaso. Kailan tayo magsususpetsa na nauwi na ito sa pulmonya? Kapag nagkaroon na ng mataas na lagnat at matinding pangangapos ng hininga na puwedeng lumabas sa loob ng 3-4 araw matapos magkaroon ng trangkaso.
Maaaring virus ang pinagsimulan ng pulmonya pero kapag sinira na ng virus ang surface ng daluyan ng mga hangin, wala na itong kakayahang tanggalin ang mucus na nadoon. Doon na puwedeng umatake ang mga bacteria na lalong magpapatindi ng pulmonya. Mula sa viral pneumonia, mauuwi ito sa bacterial pneumonia at dito na kakailanganing uminom ng antibiotic. Puwede itong ikamatay kapag napabayaan.
- Latest