NOONG hindi pa naiimbento ang refrigerator, ang pagbebenta ng sariwang gatas ay ganito: dinadala ng magsasaka ang kanilang alagang baka sa bayan at ito ang inilalako niya sa taong bayan. Ang buyer ay lalabas ng bahay bitbit ang kanilang pitsel at direktang isasahod ito sa suso ng baka.
At least ang ganitong kalakaran ay may bentahe sa baka dahil bago “ilako” ang baka, sila ay nililinis at inaalagaang mabuti upang magmukha silang “healthy”. Kung hindi nila ito gagawin, sino ang magkakagustong bumili ng gatas sa nanlilimahid at payating baka.
Ngunit sa malalaking siyudad kagaya ng New York, ang gatas ay ibinebenta ng ahente. Papakyawin ng ahente sa magsasaka ang gatas. Ilalagay ito sa malaking jar at siya na rin ang maglalagay nito sa mga bote. Isasakay ng ahente sa karwahe ang mga gatas na nasa bote at ito ang irarasyon nang door-to-door sa mga consumer.
Dito nag-umpisa ang anomalya. Sa kagustuhang lumaki ang kita, hinahaluan nila ng tubig ang gatas. Lalong lumawak ang panloloko hinggil sa pagbebenta ng fresh milk. Ang gatas mula sa ‘unhealthy cow” ay bluish ang kulay. Upang matakpan ito, hinahaluan ng mga sakim na ahente ang gatas ng harina, chalk o plaster of Paris para magmukhang puting-puti.
Maraming sanggol ang nagkasakit at nang lumaon ay namatay. Tumaas ang bilang ng mga namamatay nang hindi nila matukoy ang dahilan. Huli na nang mabisto nilang maruming gatas pala ang dahilan ng kamatayan ng mga bata.
Noong 1863, natuklasan ni Louis Pasteur, French scientist, ang paraan ng pagpatay ng bacteria sa gatas, ito ang tinawag na pasteurization. Isang amang namatayan ng anak dahil sa kontaminadong gatas ang nagtayo ng maliit na milk processing plant sa New York upang tuluyan nang masugpo ang pagkalat ng maruming gatas na naging sanhi ng maraming kamatayan.