ARAW-ARAW, may ilang nahuhuling nagtutulak at gumagamit ng ilegal na droga particular ang shabu. Kamakalawa lang, isang mister ang naaresto ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Maynila dahil sa pagtutulak ng shabu. Nakumpiska sa lalaki ang P1.7 milyong halaga ng droga. Kamakalawa pa rin, may mag-asawang natiklo sa pagbebenta ng shabu sa Quezon City. Nang tanungin ang mag-asawa, kung bakit nagtutulak ng shabu, “pangkain” lang daw.
Mula noong Hunyo 2016 na umupo si President Duterte, halos araw-araw ay may nahuhuli. Marami na rin ang napatay sa drug operations. Umaabot na sa mahigit 4,000 ang napatay ng mga pulis sapagkat nanlaban ang mga ito. Pero hanggang ngayon, sa kabila nang matinding kampanya sa ilegal na droga, marami pa rin ang nagtutulak at gumagamit nito.
Ang nakababahala pa, pabata nang pabata ang mga naaaresto dahil sa paggamit at pagtutulak ng shabu. Mga menor-de-edad ang ginagamit ng sindikato para sa kanilang negosyong droga. Kagaya ng mga nahuling menor-de-edad sa Navotas City na nagtatrabaho sa isang drug den na pinatatakbo ng drug pushers noong nakaraang linggo. Nasa edad 4 hanggang 15 ang nahuli sa raid. Sa kabuuan, 12 menor-de-edad ang nahuli ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Barangay North Boulevard. Bukod sa mga menor-de-edad, 16 na iba pa ang naaresto sa drug den. Nakakumpiska rin ng mga sachet ng shabu at paraphernalias sa drug den.
Binabatikos ng isang grupo ng human rights ang PDEA sapagkat hindi raw maayos ang pagtrato sa mga bata. May mga akusasyon na pinilit daw ng PDEA ang mga bata na aminin na sila ay nagtutulak at gumagamit ng shabu. Sabi ng human rights group, ang mga bata ay biktima lamang at nararapat daw na maging marunong ang mga pulis o PDEA sa tamang pag-handle sa mga batang nahuli sa droga.
Sabi naman ng PDEA, walang mishandling sa mga naarestong menor-de-edad. Sinusunod umano ng PDEA ang nakasaad sa Republic Act 9344 (Juvenile Justice and Welfare Act).
Araw-araw ay may mga natitiklong tulak at users. Pero mga pipitsugin ang mga ito. Kailan kaya makakalambat ang PDEA at PNP ng mga bigtime traffickers. Ang mga ito ang dapat mahuli para mawakasan na ang problema sa droga. Matutuwa ang mamamayan kung mga higante ang masasakote.