MARAMI ang humanga sa isang Buddhist na taga-Canada matapos niyang ipangako na ipamimigay niya ang lahat ng kanyang napanalunan sa isang poker tournament na ginanap sa Bahamas.
Pumangatlo kasi sa PokerStars Caribbean Adventure Main Event si Scott Wellenbach kaya nanalo siya ng $671,240 (katumbas ng P35 milyon).
Marami ang humanga kay Wellenbach dahil sa kabila ng laki ng halaga na kanyang napanalunan ay hindi siya nagdalawang-isip na mangakong ibibigay niya ito sa charity.
Ayon sa 67-anyos na si Wellenbach, binabalanse niya ang pagiging Buddhist at ang hilig niya sa pagsusugal na nagbibigay sa kanya ng excitement.
Malaki raw ang naitutulong sa kanya ng kanyang relihiyon kaya naman may panata siyang ipapamigay niya lahat o halos lahat ng kanyang premyo sakaling siya ay manalo sa bawat laro niya.
Nasa ilan daang libong dolyar na raw ang kanyang naipamimigay sa mga Buddhist charities at mga orga-nisasyong katulad ng Doctors Without Borders.