EDITORYAL - Babala sa mga may-ari ng botika

MARAMING Pilipino ang may hypertension, diabetes at high cholesterol. At pabata nang pabata ang mga nagkakasakit. Ayon sa report, mayroong 18-anyos lamang ay mayroon nang high blood pressure at meron na ring diabetes.

 

Dahil sa sitwasyong ito, naisip ng pamahalaan na i-exempt sa tax ang mga gamot para sa mga nabanggit na sakit. Sa ilalim ng batas, mae-exempt sa 12 percent Value Added Tax (VAT) ang mga gamot para sa high blood pressure at diabetes simula Enero 1, 2019. Dati ang mga 60-anyos pataas lamang ang may diskuwento sa gamot pero dahil sa pagpapatupad ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN), kasabay ding ipinatupad ang 12 percent VAT exemption sa mga gamot. At ayon sa Bureau of Internal Revenue (BIR) matagal na nilang nasabihan ang manufacturers at mga may-ari ng botika ukol dito.

Pero lingid sa BIR, marami palang botika sa buong bansa ang hindi sumusunod sa kautusan. Sa kabila na inatasan na sila ng BIR na bigyan ng 12 percent exemption ang mga bibili ng gamot para sa high blood pressure, high cholesterol at diabetes, patuloy pa ring lumalabag.

Marami ang nagrereklamo na hinihingan pa sila ng reseta ng doctor para raw mabigyan ng exemption. Hindi raw puwedeng mag-exempt kung walang reseta.

Ayon naman sa ilang botika, inaayos pa nila ang kani-kanilang cash registers para sa discount ng mga nasabing gamot kaya hindi pa sila nakaka-comply sa batas. May ilan din naman na nagsasabing wala pa raw silang natatanggap na order mula sa BIR.

Nararapat kumilos ang BIR ukol dito. Sila ang magkusang mag-inspection sa mga botikang inire-reklamo para malaman ang katotohanan. Kawawa naman ang mga bumibili ng gamot na patuloy na binabalewala ng mga pasaway na may-ari ng botika. Ipagharap ng sumbong ang mga lumalabag sa batas. Hindi dapat balewalain ng BIR ang reklamo ng consumers.

Show comments