Babae, nagtala ng bagong 10-k world record habang tulak-tulak ang 2 anak sa stroller

ISANG babae sa South Carolina ang nakapagtala ng bagong Guinness World Record matapos niyang tapusin ang 10-kilometrong karera habang tulak-tulak ang isang double stroller na lulan ang kanyang dalawang anak.

Tumakbo ang 30-anyos na si Rachel Bowling sa LowCountry Habitat for Huma-nity Resolution 10-K Run at natapos niya ito sa loob ng 42 minuto at 34 na segundo, na lamang ng 2 minuto at 11 segundo sa dating world record para sa pinakamabilis na pagtakbo ng 10 kilometro habang tulak-tulak ang isang double stroller.

Ang dating world record ay naitala wala pang isang taon ang nakakalipas noong July 8, 2018 ng taga-England na si Jocelyn Armitage.

Sinabayan ng 22-anyos na si Daniel Brubaker ang pagtakbo ng kanyang kapatid habang sakay-sakay siya ng bisikleta. Siya ang kumuha ng mga litrato at video ni Bowling habang tumatakbo ito.

Ang mga kuha niyang litrato at video ang ipadadala ni Bowling sa Guiness upang opisyal nang kilalanin ang kanyang nagawa bilang isang bagong world record.

Plano raw niyang ipa-frame ang Guinness World Records certificate sakaling matanggap na niya ito at ipakita sa kanyang mga anak bilang patunay na silang tatlong mag-iina ay pawang world record holders.

Show comments