SA pagpasok ng 2019, panibagong pagsubok na naman ang mga kakaharapin natin. Matapos ang mahabang bakasyon nitong katatapos na holidays, muli na namang babalik ang stress natin sa pagtatrabaho, pagnenegosyo, at pag-aaral.
Ang problema sa stress, minsa’y hindi mo agad nalalaman kung nai-stress nga ang isang tao lalo na kung maganda itong magdala. Puwedeng mukhang peaceful ang hitsurang panlabas ng isang tao pero matindi pala ang dinaraanang stress. Ang stress ay naglalagay sa atin sa panganib ng pagkakaroon ng sakit sa puso, stroke, cancer, mental illness, at kung anu-ano pang karamdaman.
Araw-araw, iba’t ibang klaseng stress ang dinaranas natin. Stress sa pagpasok sa trabaho o eskuwelahan. Stress sa ating mga kasamahan, boss, o teacher. Stress sa pagsakay sa bus o taxi. Stress sa gagawing presentation o meeting o reports. Stress sa deadline. Stress sa paghahanap ng ekstrang kita. Stress sa pabagu-bagong panahon. Sobrang init, sobrang lamig, sobrang maulan o mabaha. Stress sa kapamilya, asawa, magulang, anak, kapatid, at kaibigan. Stress na dulot ng pagpupuyat at pagpapagod.
Ang emotional stress na nararanasan natin ay maraming di kanais-nais na epekto sa ating kalusugan. Ang paninikip ng dibdib at iba pang sakit sa puso ay maaring nag-ugat sa naranasang stress. At ang mas tumitinding stress na hindi na natin makontrol ay nauuwi sa pagkakaroon ng abnormalidad sa ritmo ng pagtibok ng puso kung tawagi’y arrhythmia, atake sa puso, at biglaang kamatayan. Paano? Ang matinding stress kasi ay nagdudulot ng matinding pagbomba ng puso kung kaya’t lalong bumibilis ang pagtibok ng puso. Nagbibigay-daan ito para kumitid ang arteryang dinadaluyan ng dugo sa puso. Resulta, nagkukulang ang sirkulasyon ng dugo sa puso.
Pinagiging malapot din ng stress ang ating dugo kung kaya’t hindi malayong mamuo ang dugo sa loob ng dinadaluyang arterya sa puso.
Itinataas din ng stress ang level ng kolesterol natin sa dugo, gayundin ang level ng homocysteine, isang uri ng amino acid na nagtaas sa panganib ng pagkakaroon ng sakit sa puso at stroke. Puwedeng kasing magdulot ng damage sa dingding ng coronary arteries o ugat ng puso ang homocysteine na ito at kalaunan ay mauwi sa blood clotting. Sinasabing ang mataas na level ng homocysteine ay nakikita sa mga taong kulang sa Vitamin Vitamin B6, Vitamin B12, at folic acid. Kung umiinom ng sapat na level ng vitamins na ito, napapababa ang mataas na level ng homocysteine.
Dahil sa stress, tumataas din ang ating blood pressure at kalaunan ay mauuwi ito sa pagkakaroon ng alta presyon.
Ang paulit-ulit na atake ng stress ay sumisira sa maayos na pagtakbo ng ating immune system kaya nagiging madali para sa atin ang kapitan ng kung anu-anong sakit. Maaari rin itong magdulot ng depresyon na may di kanais-nais na epekto sa blood pressure, ritmo ng pagtibok ng puso, at pamumuo ng dugo sa loob ng coronary arteries.
Matutong mag-relaks, mag-meditate, manalangin, at umiwas sa mga tao’t pangyayaring posibleng magdulot sa atin ng stress.