APAT na taong nagtrabaho bilang all-around sa construction, double whammy ang inabot sa trabaho. Naaksidente na nga, sinibak pa!
Karaniwan sa mga tumatakbo sa aming obrerong naaksidente, hindi tinulungan ng kompanya at nangangailangan ng pera sa gastusing medikal. Iba-ibang mga mukha… iisa lang ang reklamo. Pero iba ang kasong ito.
Galing pang Puerto Princesa, nagsadya si Manong sa aming action center para magreklamo.
Aniya, nabasag ang ginagamit niyang equipment habang nagkakabit ng gutter. Tinamaan ang kanyang kaliwang daliri, damay pati ang kasama niyang foreman.
Pinanagutan ng kumpanya ang insidente dahil sa oras at lugar ng trabaho ‘yun nangyari. Naitakbo siya sa ospital at naipagamot ang kanyang pinsala.
Kaso nga lang, pagbalik niya, wala na siyang trabahong inabutan. Pati ang dalawang anak ng nagrereklamo hindi nakaligtas… sibak.
Nagreklamo sa labor ng illegal dismissal at gustong makuha ang backpay at ibang benepisyo. Ang paliwanag kasi kay Manong, sinadya raw niya ang aksidente.
Para bang ginusto pa nu’ng pobre na masaktan at halos maputulan ng daliri.
Kita agad na mali ang pamamaraan ng pagtanggal ng kompanya ng sariling empleyado. Walang proseso at bara-bara ang pagsibak ng tao. Either sintu-sinto itong employer niya o may tinatago sa amin itong complainant.
Nakita namin ang naging pinsala nung aksidente: Halos ‘di na maituwid ‘yung nahiwang daliri. Kilos pronto, tinawagan na namin ang inirereklamong amo para magkaalaman.
Hindi pa ako nakakabuwelo, sinabi nang ayos na nila ang problema. Siguro natakot at nabahag ang buntot nang kausapin ko… kaya bayad agad. Nangakong magbibigay ng nararapat na halaga sa kanilang dating trabahador.
Diplomatiko naman at disente magsalita kaya hindi na namin ginisa. Nagbigay ng petsa kung saan puwedeng bumalik si Manong para kunin ang kanyang tseke.
Naniwala kami sa salita niya at inasahang wala nang problema. Pinauwi na rin namin si Manong sa probinsiya para makuha ang kanyang pera.
Siguraduhin lang nilang may abutang magaganap. Pag hindi at nalaman naming pinependeho n’yo ang tropa ng BITAG, iba ang magaganap. Hindi n’yo magugustuhan. Kahit nasa probinsiya, wala kayong takas.
Mga boss na nasa malalayong probinsya, inapi’t inabuso ba kayo? ‘Wag mahiyang lumapit sa pambansang sumbungan, BITAG Kilos Pronto.