2 baboy sa Florida, binigyan ng ‘pardon’ bago magbisperas ng pasko
ISANG pares ng baboy sa Florida ang naligtas mula sa litsunan matapos silang gawaran ng “pardon’’ ng mayor ng Miami.
Ayon sa mayor ng Miami-Dade county na si Carlos Gimenez, sisimulan daw ng lokal na pamahalaan ang isang bagong tradisyon tuwing Pasko kung saan ililigtas nila ang ilang baboy mula sa pagkakalitson sa pamamagitan ng pagbibigay sa mga ito ng pardon.
Katulad ito ng nakagawian nang pagbibigay ng pardon ng presidente ng United States tuwing Thanksgiving sa mga turkey na karaniwang handa ng mga Amerikano kapag holiday season.
Ang restaurant owner na si Katherine Castellanos ang nagmungkahi sa pagbibigay pardon sa baboy na sina Layla at Luna. Naisip niya ito matapos mapuno ang kanyang restaurant ng order ng lechon para sa noche buena.
Ipinaliwanag din ni Castellanos na lechon ang karaniwang handa sa Pasko ng mga pamilya sa South Florida, kung saan maraming Cuban immigrants. Kaya naman marapat lang na sa halip na pabo ay baboy ang gawaran ng taunang pardon ng mayor sa kanilang lugar.
- Latest