NOONG 25 years old si Julius Caesar, hinarang ng mga pirata ang barkong pinamumunuan nito at ginawa siyang bihag. Kapalit ng kanyang kalayaan, humingi ang mga pirata ng 20 talents of silver (katumbas ng 620 kg of silver or $600,000 base sa kasalukuyang presyo ng silver). Ngunit pinagtawanan ni Julius ang halaga ng hininging ransom. Kung lalagyan natin ng dayalog ang eksena, at lalagyan ng creativity ang aking pagkukuwento, marahil ay ito ang sasabihin ni Julius Caesar:
“Mga hunghang, hindi ako ganoon ka-cheap ‘noh! Itaas ninyo ang ransom ng 50 talents of silver!”
Matapos magkasundo sa singkuwenta, lumakad ang mga tauhan ni Julius para maghanap ng silver. Mga 38 araw ang ginugol ng mga tauhan bago nakakuha ng hinihinging silver. Habang wala ang mga tauhan ni Julius, mga pirata lamang ang kanyang kasama sa barko. Talagang nasa katauhan na ni Julius ang pagiging mahusay na pinuno.
Kahit siya ang bihag, napapasunod niya sa kanyang mga kapritso ang mga bantay na pirata. Nagmukha siyang amo sa kauutos at alipin ang mga pirata sa kasusunod sa mga iniuutos niya. Kaya nang sabihan niya ang mga pirata ng :
“Humanda kayo sa akin kapag nakabayad ako ng ransom at nakalaya, babalikan ko kayo at papatayin ko isa-isa.
Inakala ng mga pirata na iyon ay biro. Kaya isang araw, wala silang kamalay-malay na tinotoo ni Julius ang kanyang banta, binawi ang 50 talents of silver at ipinako ang mga ito sa krus isa-isa.