Pasko rin ng mga cholesterol-rich foods!
(Part 1)
SA panahon ng Kapaskuhan, maraming pagkain ang talaga namang mayaman din sa cholesterol: lechon, queso de bola, hamon, at kung anu-ano pa. Talaga yatang kasama na natin ang mga cholesterol-rich foods na ito. Karamihan sa masasarap na handa ay mayaman din sa cholesterol. Kaya kahit ayaw din nating tumaas ang level ng kolesterol sa ating katawan, wala tayong magawa. Pero puwede namang gawing moderation ang pagkain ng mga ito. Sabi nga, ang dapat daw na gabay natin ngayong Kapaskuhan ay ang pagkain ng masasarap na pagkain in moderation at hindi martyrdom. Tingnan natin ngayon kung gaano ka-healthy ang mga karaniwan nating kinakain.
Karaniwan na sa pamilyang Pilipino ang maghain ng itlog sa hapag-kainan sa araw-araw. Pero ngayong Pasko, maraming pagkain ang hinahaluan ng itlog. Huwag nang banggitin pa ang napakasarap na leche flan na gawa sa egg yolk o pula ng itlog. Ang isang itlog ay nagtataglay ng 213 mg ng kolesterol kaya ipinapayong 4 na piraso lamang ng itlog ang dapat kainin natin sa isang linggo. Mas makolesterol ang dilaw na bahagi ng itlog. Yung puting bahagi ay protinang albumin lamang kaya puwedeng kumain kahit marami nito. Maipapayo kong palitan na lamang ng 2 egg whites ang bawat isang egg yolk sa mga pagkaing ihahanda na nangangailangang gumamit ng itlog, kung posible.
Kung keso naman ang pag-uusapan, sinasabing mataas ang taglay na calcium ng keso kaya gusto natin ito. Madalas nga ay may halong keso ang ating mga kinakain. Mas masarap nga raw kapag may keso, lalo na kung mas maraming keso ang ating ilang pagkain. Pero ang keso ay mataas din sa tinatawag na “saturated fat. ” Tinatayang 60-70% ng mga calories mula sa keso ay mula sa butterfat. Kaya kaysa bumili ng regular na keso, subukang bumili ng low-fat cottage cheese at iba pang keso na may nakasulat na low-fat.
Tungkol naman sa ice cream, cakes, butter, at bakery products, alam kong masarap ang mga ito. At ayokong maging KJ sa inyo. Pero hindi puwedeng laging may nakaistak na ganito sa inyong refrigerator. I-reserve na lang natin ang ganitong mga dairy products kapag may okasyon sa ating pamilya: birthday, Pasko, Bagong Taon, pista at anibersaryo. Mataas ang taglay na calories ng mga ito. Hindi malayong tumaba tayo kapag madalas tayong nakakakain ng mga ito. Ang mga bakery goods ay madalas na gawa sa egg yolk, butter, cream, at saturated fats.
Sa gatas (whole milk), hindi lamang mga bata ang hinihikayat nating uminom ng gatas. Kahit tayong mga adults na ay dapat pa ring uminom nito. Kaso, dapat ay tingnan nating maigi ang label ng mga gatas na bibilhin natin. Ang gatas na klasipikadong “whole milk” kasi ay nagtataglay nang maraming saturated fat (hindi ito kanais-nais na uri ng fat) kaysa sa gatas na “low-fat” o “skim milk.” Katunayan, mga 45% ng calories sa whole milk ay galing sa saturated fat. Sa low-fat milk, 30% lamang ng taglay nitong calories ang nanggaling sa saturated fat. Mataas pa rin sa taglay na calcium, protein, at iba pang sustansya ang mga gatas na low-fat o skim milk.
May mga pagkaing shellfish gaya ng talaba, tahong, halaan, at tulya na mababa ang taglay nitong taba kaya mainam sa katawan. Pero ang hipon, lobster, at alimango ay nagtataglay nang mas maraming kolesterol kaysa sa isda, manok, at karne. Tingnan natin ang ating mga handa at isipin kung gaano karaming cholesterol ang ipapasok nito sa ating katawan.
(Itutuloy)
- Latest