SI Sekar, ng Chennai, India ay tinatawag na “Birdman” dahil sa ginagawa niyang pagpapakain araw-araw sa may 4,000 parakeets, isang uri ng parrot at itinuturing na exotic birds.
Walang pagkasawa si Sekar, 62, sa pagbibigay ng pagkain sa mga parakeets na iginawa na niya ng sariling bahay. Kaya naman nagkaroon ng extension ang kanyang bahay dahil sa mga alagang ibon na parami pa nang parami. Ganunman, labis na natutuwa si Sekar kapag nakikita ang mga ibon na kumakain. Nakaaaliw pagmasdan ang kulay ng parakeets na matingkad na berde.
Nagsimula ang pagkahilig ni Sekar sa pag-aalaga ng parakeets nang manalasa ang Indian Ocean tsunami noong 2004. Marami ang napinsala sa kanilang lugar. Maraming nawasak na mga bahay.
Hanggang isang umaga, napansin ni Sekar ang mag-asawang parakeets na nakadapo sa pasamano ng kanyang bahay sa likuran.
Naawa si Sekar sa mga ibon at agad siyang kumuha ng tirang kanin sa kusina at binigay sa mga ito. Gutom na gutom ang mag-asawang parakeets. Naubos ang ibinigay na kanin ni Sekar.
Mula noon, lagi nang pinakakain ni Sekar ang mag-asawang ibon. Hanggang sa hindi na umalis at iginawa pa ng bahay ni Sekar malapit sa bubong ng kanyang bahay. Hanggang sa mangitlog ang babae. Mula noon, dumami na nang dumami ang parakeets.
Hanggang sa umabot na ito ng libu-libo. At nilakihan na ni Sekar ang bahay ng mga ito. Iginawa na rin niya nang magandang patukaan. Sa patukaang iyon niya inilalagay ang mga kanin.
Dahil sa araw-araw na pagpapakain sa mga ibon, gumagastos si Sekar ng 40 percent ng kanyang suweldo bilang camera repairman. Gumigising siya nang maaga para magsaing sa isang malaking palayok at saka pakakainin ang mga ibon.