EDITORYAL - Mga kampana ng Balangiga
PAGKARAAN ng 117 taon, muling nasilayan ng mga taga-Balangiga, Eastern Samar ang tatlong kampana na sapilitang kinuha ng mga sundalong Amerikano noong 1901 at inangkin bilang “war booty” o tropeyo. May mga umiyak nang makita ang tatlong kampana noong Biyernes habang ibinababa ang mga ito sa army trucks na sumundo sa airport galing Manila. Tamang-tama ang pagdating sa pagsisimula ng Simbang Gabi ngayong araw na ito.
Makulay ang kuwentong nasa likod ng mga kampana ng Balangiga. Sinalakay ng mga gerilya sa pamumuno ni Valeriano Abanador noong umaga ng Set. 28, 1901 ang garrison ng mga sundalong Amerikano at pinagtataga ang mga ito. Kasalukuyang nag-aalmusal ang mga sundalo at hindi na nagawang makuha ang kanilang mga baril. Napatay ang 48 sundalong Ame-rikano. Ang pangyayaring iyon ay itinuring ng United States Army na matin-ding pagkatalo sa labanan.
Hindi matanggap ng mga Amerikano ang pagkatalong iyon mula sa mga Pilipino. Ipinag-utos ni Captain Bookmiller ang pagmasaker sa mga tao kasama na ang mga alagang hayop ng mga ito hindi lamang sa Balangiga kundi sa buong Eastern Samar. Tinatayang 2,500 na mga Pilipino ang napatay sa tinaguriang Balangiga Massacre. Makaraang makaganti, dinala ang tatlong kampana bilang katibayan ng pagkapanalo. Dinala ang dalawa sa headquarters nila sa Wyoming at ang isa ay sa kanilang army camp sa South Korea.
Maraming Presidente ng Pilipinas at mga kasapi ng Roman Catholic Church ang humiling sa US na ibalik ang mga kampana. Kabilang umano sa mga nakiusap ay si dating Pres. Ramon Magsaysay at Pres. Fidel Ramos. Pero hindi sila pinakinggan sa kahilingan.
Noong nakaraang taon, sinabi ni Pres. Rodrigo Duterte na dapat isauli ng US ang Balangiga bells dahil hindi naman ito sa kanila. Nakipag-ugnayan ang ambassador ng Pilipinas sa US authorities at nagkaroon nang magandang resulta. Isinauli na nga ang mga kampana. Sabi ni President Duterte, ang pagkakabalik ng tatlong kampana ay hindi dapat ipagpasalamat sa kanya kundi sa taumbayan dahil pag-aari ito ng mamamayan.
Sa wakas, naibalik din ang mga kampana ng Balangiga. Ang tatlong kampanang ito ang piping saksi kung paano nakipaglaban ang mga Pilipino sa mga abusado at mapang-aping Amerikano. Habang tumutunog ang mga kampana, maaalala ang kagitingan ng mga Pinoy.
- Latest