PASADO na ang House Bill 8677 na nag-aamiyenda sa Republic Act 10351 (Sin Tax Reform Law). Sa panukala, magtataas ng P2.50 ang tax ng sigarilyo bawat taon na magkakabisa sa Hulyo 2019 hanggang 2022. Hindi pa kasama rito ang tax sa ilalim ng Tax Reform Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.
Sa pagtaas ng tax, tiyak na tataas ang presyo ng sigarilyo at tiyak na marami na ang magku-quit sa bisyong ito. Marami ang matutuwa sapagkat hindi na sila makakalanghap ng second hand smoke. Makakahinga na sila nang maluwag.
Maililigtas din nang mataas na presyo ng sigarilyo ang mga kabataan na nalululong dito. Sa kasalukuyan, maraming kabataan ang naninigarilyo na hindi na natatakot kahit pa mayroong graphic warnings sa kaha ng sigarilyo ukol sa masamang dulot nito sa katawan. Mas lalo pang nahikayat ang mga kabataan na subukan ang pagyoyosi.
Sa kasalukuyan, hindi rin naipatutupad ang pagbabawal sa paninigarilyo sa mga pampublikong lugar. Yosi rito, yosi roon. Walang nagpapatupad ng kautusan ukol sa pagbabawal magyosi. Noong Mayo 2017, isang Executive Order ang nilagdaan ni Pres. Rodrigo Duterte na nagbabawal manigarilyo sa mga pampublikong lugar at mga tanggapan ng gobyerno.
Pero naging dekorasyon na lang ang kautusan na ito. Walang nagpapatupad. Maski nakikita ng pulis na may naninigarilyo sa publikong lugar, hinahayaan na lang. Maski may nagbebenta sa menor-de-edad, balewala lang.
Ayon sa Department of Health (DOH), ang pagbabawal sa paninigarilyo sa mga pampublikong lugar ay upang makaiwas sa pagkakasakit ang mamamayan. Sinabi pa ng DOH na ang second hand smoke ay mas matindi ang epekto sa mga nakalalanghap nito. Ang mga sakit na nakukuha sa paninigarilyo ay hypertension, heart attack, stroke, cancer, lung disease at chronic obstruction pulmonary disease (COPD).
Maging aktibo pa rin sana ang DOH sa pagpapaalala sa taumbayan na hindi maganda sa kalusugan ang sigarilyo at dapat itigil ito. Magkaroon ng kampanya para maimulat nang husto ang mamamayan lalo ang kabataan na huwag nang manigarilyo sapagkat sakit lamang ang makukuha rito.