ISANG grupo ng higit 20 chefs ang nagsama-sama sa Mauritius upang lutuin ang 2.466 toneladang serving ng isang scrambled eggs na tinanghal na pinakamalaki sa buong mundo.
Ang Guinness World Records mismo ang kumilala sa dambuhalang serving ng scrambled eggs bilang pinakamalaking scrambled eggs na niluto sa kasaysayan.
Ang paggawa ng pinakamalaking scrambled egg sa mundo ay proyekto ng Inicia Later, ang pinakamalaking kompanya ng itlog sa Mauritius.
Ang record-breaking na putahe, na niluto bilang bahagi ng selebrasyon para sa ika-40 anibersaryo ng Inicia Ltee, ay ginawa gamit ang 35,000 itlog, halos 430 kilo ng butter, 65 gallon ng gatas, 10 kilo ng asin at 4.5 kilo ng paminta.
Pinamunuan ni Mooroogun Coopen, presidente ng Mauritian Chefs Association, ang higit 20 chefs na nagtulung-tulong sa paggawa sa record-breaking na scrambled eggs.
Matapos ang opisyal na kumpirmasyon na nakapagtala nga ng bagong world record ang niluto nilang scrambled eggs ay pinagpira-piraso naman ito sa higit 8,000 na bahagi at saka ipinamahagi sa international aid organization na Caritas.