EDITORYAL - Patuloy ang sibakan pero…
ISANG magandang maipupuri kay President Duterte, kapag sinabi niyang sisibakin ang korap na opisyal, ginagawa niya. Basta may naamoy siyang singaw ng korapsiyon, sibak agad ang sangkot at wala nang tanung-tanong pa.
Noong nakaraang linggo, sinibak niya si Hou-sing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC) Secretary General Falconi Millar dahil sa isyu ng korapsiyon. Inihayag ng Presidente ang pagsibak kay Millar sa inagurasyon ng Cavite Gateway Terminal sa Tanza, Cavite.
Bago umalis patungong Papua, Guinea ang Presidente noong nakaraang linggo, sinabi niyang mayroong sisibaking opisyal kapag nakabalik na sa bansa. Tinupad niya ang sinabi. Hindi naman dinetalye kung anong klase ng korapsiyon ang kinasangkutan ng HUDCC chief. Sabi naman ni presidential spoke-person Salvador Panelo, ang pagsibak kay Millar ay nagpapakita lamang na walang sacred cows sa administrasyon sa kampanya nito laban sa korapsiyon. Lahat nang opisyal na gumawa ng katiwalian ay masisibak sa puwesto. Sa kabilang dako, sinabi naman ni Millar na hindi siya sinibak dahil sa isyu ng korapsiyon.
Laganap pa rin ang corruption sa pamahalaan. Ito ay sa kabila na nagbabala ang Presidente na basta may naamoy siya --- kahit singaw lang ng corruption, sa mga opisyal ng gobyerno, sisibakin agad niya. Wala na raw tanung-tanong. Kaya magbitiw na lang daw ang mga korap bago pa niya ipahiya. Umalis na lang daw para hindi na niya hiyain pa sa publiko.
Marami nang sinibak na opisyal ang Presidente na may kaugnayan sa korapsiyon. Ang ganitong aksiyon ay ikinatutuwa naman ng mamamayan sapagkat nagsasawa na sila sa talamak na korapsiyon sa pamahalaan. Marami ang nagpapasasa sa pera ng taumbayan habang marami naman ang naghihikahos. Ang patuloy na korapsiyon sa pamahalaan ang dahilan kaya patuloy na naghihirap ang bansa. Ang pera sa kaban ay pawang sa bulsa ng mga kurakot napupunta at wala nang natitira para gamitin sa serbisyong pampubliko at gawaing pangbayan.
Napupuna lang na may ilang sinisibak ang Presidente na ibinabalik din niya sa puwesto. Isang halimbawa ay ang dating Customs commissioner na inilipat lang ng ibang tanggapan. Hindi na sana i-appoint pa ang tinanggal na dahil baka gumawa muli ng katiwalian sa pinaglagyang tanggapan.
- Latest