^

Punto Mo

EDITORYAL - Dami nang basura pero nag-iimport pa

Pang-masa
EDITORYAL - Dami nang basura pero nag-iimport pa

MARAMING basura sa Pilipinas. Sa baybayin lamang ng Manila Bay ay namumulaklak at namumutiktik ang mga basura. Kamakailan lamang may mga grupo na nagsagawa ng paglilinis sa baybayin at nakakolekta sila nang maraming basura na pawang plastic. Mas maraming basura kung masama ang panahon at nagngangalit ang alon. Iniluluwa ng dagat ang basura sa kahabaan ng Roxas Blvd. Ibinalik sa mga nagtapon.

Marami ring basura sa mga estero at mga canal. Ang isang estero sa Binondo ay maaaring daanan ang ibabaw dahil sa dami ng basurang plastik. Pabalik-balik ang basura roon. Lilinisin ngayon, pero bukas ay marumi na naman dahil sa mga walang disiplinang residente.

Ang nakakapagtaka, kahit marami nang basura sa bansa, marami pa ring kompanya ang bumibili ng basura sa ibang bansa. Tone-toneladang basura ang kanilang iniimport at hinahayaan naman ng pamahalaan na madala rito sa bansa.

Nirereklamo ngayon ang mga basurang plastic na nakatambak sa Tagoloan, Misamis Oriental. Nanggaling ang mga plastik sa South Korea at ang consignee ay ang Verde Soko Phil. Industrial Corporation. Dumating ang basura nooong Hulyo 21 sa Mindanao Container Terminal at nakadeklarang “plastic synthetic flakes”. Ayon sa Bureau of Customs, lumabag ang Verde Soko sa Customs Modernization and Tariff Act.

Hindi lamang ang Korea ang pinanggagalingan ng mga basura. Mas nauna ang Canada na hanggang ngayon ay nasa container pa sa Manila Port at sa Subic, Zambales.

Limang taon na sa bansa ang basura mula sa Canada na dumating sa bansa noong Hunyo 2013. Umaabot sa 50 freight containers ang basura na pawang household wastes at banta sa kalusugan ng mamamayan.

Idineklarang mga plastic na basura ang laman ng containers at ang consignee ay ang kompanyang Chronic Plastics na nasa Valenzuela City. Pero nang inspeksiyunin ng Bureau of Customs, nadiskubreng mga basura at nangangamoy na. Bumaliktad ang sikmura ng mga taga-Customs nang buksan ang container sapagkat umalingasaw ang mabahong amoy mula roon.

Nang dumating sa bansa ang Prime Minister ng Canada noong nakaraang taon, sinabing ibabalik daw sa kanilang bansa ang basura pero hanggang ngayon, narito pa.

Ipagbawal ang pag-import ng basura. Makialam na rin ang DENR sa isyung ito na ginagawang tambakan ang bansa ng hazardous waste. Kailangang magkaroon ng ngipin ang DENR para hindi malagay sa masamang kalagayan ang kalusugan ng mamamayan. Ibalik ang basura sa pinanggalingang bansa.

BASURA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with