Sa wakas, nahatulan din si dating First Lady Imelda Marcos. Pagkaraan nang 30 taon ay napatunayan din siyang may sala sa pangungulimbat ng pera ng taumbayan. Talagang totoo ang kasabihan na ang lahat nang ginagawang kasamaan ay may katapusan. Lahat ay mayroong kabayaran. Mahaba man ang taon na pinaghintay para masolusyunan ang kaso, natupad din ito.
Naniniwala pa rin ako na mayroong hustisya sa bansang ito. Taliwas sa sinasabi ng ilan na wala na raw justice system sa bansa. Ang ikinatatakot ko lang ngayon ay baka mawalan ng kabuluhan ang hatol ng Sandiganbayan sapagkat matanda na si Imelda at ang edad niya ang gagawing depensa para siya ay patawarin o ‘di naman kaya ay i-hospital arrest siya.
Kapag nagkaganito, marami rin ang madidismaya. Marami ang naghahangad na makitang nakakulong ang dating Unang Ginang para mapagdusahan ang pagkamal niya ng pera ng taumbayan. Sa kabila na maraming naghihirap na Pilipino, siya ay walang patumangga kung gumastos at katibayan ang kanyang mga mamahaling bag, sapatos, gown, alahas at marami pang iba.
Habang marami ang walang makain, mga maysakit, hindi makapag-aral dahil sa kahirapan, walang sariling bahay, naglulunoy naman sa yaman si Imelda. Nasaan naman ang konsensiya na habang nagpapasasa sa kaban ng bansa ang mga dapat makinabang o maserbisyuhan ay naghihirap at ni hindi makatikim ng gamot o madala man lang sa ospital.
Naniniwala ako na may hustisya sa bansa at ang inaasam ko ngayon ay ang makitang nasa kulungan si Imelda. Kailangang makulong siya para maranasan niya ang hirap. Sana ipag-utos na ng korte na arestuhin siya. Huwag nang ipagpaliban pa ito.
--- MANUEL LIMUAYCO JR., J. P. Rizal St. Makati City