Pinakamahabang dragonboat sa mundo, matatagpuan sa Cambodia
ANIM na buwan man ang kinailangan bago ito matapos ay nasulit naman ang oras ng mga Cambodian sa kanilang ginawang dragonboat.
Kahapon, opisyal na nakapasok ang Cambodia sa Guinness World Records nang isapubliko sa Mekong River ang pinakamahabang dragonboat sa mundo na kayang magsakay ng 179 na taga-sagwan.
Sa haba nitong 87.3 metro ay walang sinabi ang 77.8 metrong dragonboat ng China na nagtala ng dating world record noong 2016.
Ginawa ang dragonboat sa Prey Veng province ng non-governmental organization na Union of Youth Federations of Cambodia (UYFC).
Nakatakdang i-exhibit ang dragonboat sa idadaos na Water Festival sa Phnom Penh sa susunod na linggo, ayon sa ulat ng Xinhua news agency.
Ayon sa vice-president ng UYFC na si Sar Sokha, ginawa nila ang pinakamahabang dragonboat sa buong mundo bilang pag-alala sa halaga ng dragonboat sa Cambodia, lalo na sa kasaysayan ng katutubong Khmer doon at ng kanilang mga hari na ginamit ang dragon- boats hindi lamang bilang mga bangkang pantransportasyon kundi pati na rin para sa pagtatanggol sa kanilang teritoryo.
- Latest