BITAG laging handang humambalos!

AKO mismo si Ben Tulfo hindi marunong makiusap at handa laging humambalos sa mga talpulano at kolokoy na kompanya.

Marami na akong nakita kung paano gipitin ng mga putok sa buhong kompanya ang kanilang mga empleyado. Nakakalungkot lamang isipin dahil nasa laylayan na nga sila, kailangan pa nilang makiusap para maisaayos ang problema.

May mga kompanya kasi na hangga’t walang pumupuna, patuloy sa kanilang mga kalokoha’t kagaguhan.

Tulad na lamang ng sumbong na inilapit dito sa BITAG-Kilos Pronto ng isang pharmacy assistant. Reklamo niya, matapos niya raw magtrabaho ng tatlong taon sa Preferred Brands Marketing Corporation wala man lang daw laman ang kanyang SSS contribution nang mag-verify siya online.

Nalaman niya ang problema matapos na personal na magtungo sa Social Security System (SSS) para mag-file ng maternity benefits claim. Ayon sa SSS, wala silang makita na contribution ng kompanya sa pangalan niya.

Agad naman naming kinuhanan ng salaysay ang kompanya at nakausap namin ang manager nila na si Mary Anntonette Rapadas. Depensa niya, nakapagbayad na sila ng contribution ng kanilang mga empleyado, ‘yun nga lang ay may hinihingi pa na requirements ang SSS na hindi pa nila nako-comply kaya nagkakaroon ng problema.

Nangangamba rin ang nagipit na empleyado dahil baka kapag naghanap siya ng bagong trabaho at nag-voluntary contribution ay malista sa tubig at tuluyan ng ‘di ma-update ang contribution ng kanyang SSS.

Ora mismo, tinawagan namin ang Senior Communication Specialist ng SSS na si Ms. Lilibeth Suralvo para saklolohan ang biktima.

Aniya, magpapadala sila ng account officer sa kompanya para maayos ang mga kailangan na requirement at agad ding ma-update ang contribution ng complainant.

Manghihimasok na rin ang aming programa para mas mapabilis ang pag-usad ng reklamong ito.

Wala sa bokabularyo ng BITAG na patagalin ang anumang sumbong o reklamo. Kung hindi namin kayo makukuha sa santong dasalan, e di idadaan namin sa santong paspasan!

Show comments